(Midsayap, North Cotabato/ June 6, 2013) ---Bunsod ng
malawakang pagpapatupad ng K to 12 program sa bansa at sa inaasahang pagdami ng
mga mag-aaral ay gumagawa ng aksyon ang ilang public schools dito distrito uno
ng North Cotabato.
Nais nilang iparating sa Department of Education o
DepEd ang kakulangan ng mga silid aralan sa kanilang eskwelahan, ito ayon sa
report ni PPALMA News Correspondent Roderick Bautista.
Partikular na hinihiling ngayon ng Barangiran
Elementary School ng Alamada West District na kinakailangan nito ng three
classroom- one school building type na pakikinabangan ng mga papapasok na
kindergarten at mga batang mag- aaral mula sa ikatlo at ika-apat na baitang ng
naturang paaralan.
Samantala, dagdag silid- aralan din ang kinakailangan
ng Teren-Teren Elementary School sa Barangay Dado na nasa hilagang distrito ng
bayan.
Ngayong taon, inaasahan ng nabanggit na paaralan na
aabot sa dalawandaang mag-aaral mula kindergarten hanggang grade four ang
papasok kaya nais nilang mapatayuan sila ng dagdag na dalawang school building.
Kaugnay nito ay nagpadala na ng magkahiwalay na sulat
kahilingan ang dalawang pampublikong paaralan sa opisina ni Rep. Jesus
Sacdalan.
Agad naman itong inendorso ng opisyal sa DepEd o
Department of Education- Cotabato Division para sa karampatang aksyon.
Nabatid na ang K to 12 ay ang mas pinalawig na sistema
ng edukasyon sa bansa kung saan kailangang dumaan muna ang mga mag-aaral sa
kindergarten, anim na taon sa primary education, apat na taon bilang junior
high school at dalawang taon naman sa senior high school.
Ayon sa Official Gazette ng gobyerno, sa kasalukuyan
ay abot sa 32, 127 na ang naipatayong classrooms sa buong bansa at aabot naman
sa 17, 939 na mga silid aralan ang nakaprogramang ipatayo ngayong 2013.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento