(Tulunan, North Cotabato/ May 28, 2013) ---Pangungunahan
ng alkalde ng Tulunan, Cotabato ang isang diyalogo sa pagitan ng naglalabang
armadong grupo at ng Barangay Peace Keeping Action Team o BPAT para matuldukan
ang pag-aaway sa lugar.
Ayon kay 57th Infantry Battalion
Commanding Officer 1st Lt. Manuel Gatus abot sa 72 mga pamilya
ngayon ang nagsilikas matapos na maipit sa girian ng naglalabang grupo sa Brgy.
Maybula sa nasabing bayan dahil sa mga serye ng nakawan ng mga alagang hayop.
Pangungunahan ni Mayor Lani Candolada ang
isasagawang dialogo, ayon kay Gatus.
Imbitado sa nasabing diyalogo ang mga punong
ehekutibo mula sa mga bayan na nalilibot sa lugar kasama na dito ang Datu
Paglas, Maguindanao; Columbio, Sultan Kudarat at Tulunan, North Cotabato.
Batay sa report, ang mga responsabling
cattle rustlers na siya’ng itinuturong pangunahing suspek sa nakawan sa brgy.
Maybula kasi ay tumakas papunta sa boundary ng Datu Paglas at Columbio, na
itinuturing na teritoryo ng 109th base command ng Moro Islamic
Liberation Front o MILF.
Dadalo rin sa nasabing diyalogo ang Tulunan
PNP at ang 57th IB.
Inilagay na rin sa lugar ang Peacekeeping
forces ng sundalo at militar buhat sa Cotabato Provincial Police Office para
tiyakin ang seguridad ng mga residente sa lugar sa posibleng pag-atake ng grupo
ng mga cattle rustlers.
Sa inisyal na impormasyong nakarating kay PSI
Ronnie Cordero, hepe ng Tulunan PNP ang mga armadong umatake sa brgy. Maybula
ay mga pinaniniwalaang kasapi ng 109th base command ng Bangsamoro
Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front o (BIAF-MILF). (Rhoderick
Beñez)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento