(Matalam, North Cotabato/ May 27,
2013) ---Unti-unti ng nagsibalikan ngayon ang abot sa 6,900 mga pamilyang
apektado ng girian ng MILF at MNLF sa brgy. Marbel, Cotabato.
Ito makaraang lumagda na sa isang
kasunduan ang dalawang grupo na tigilan na ang rido sa lugar.
Noong Huwebes, lumagda sina Mansur
Imbung ng 108th Base Command ng MILF at Datu Dima Ambil, pinuno ng Sebangan
Kutawato State Revolutionary Committee ng MNLF, ng kasunduan sa harap ng mga
lokal na opisyal at kinatawan ng joint Coordinating Committee on the Cessation
of Hostilities (CCCH).
Ang lagdaan ay isinagawa sa Villa
Orro Resort sa bayan ng Matalam kungsaan sinaksihan ito ng mga kinatawan mula
sa MILF, Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police at ng
CCCH na tumutulong upang mapanatili ang kaayusan sa Mindanao.
Sinabi ni Local Monitoring Team
Chair Jabib Guiabar na kapwa tutuparin ng MILF at MNLF ang kanilang
napagkasunduan.
Dagdag pa dito, napagkasunduan rin
na i-pupull-out ng nasabing grupo ang kanilang tropa sa lugar.
Nagsimula ang girian ng dalawang
grupo matapos harangan ng MNLF sa Barangay Marbel ang MILF guerillas na dumalo
sa isang usaping pangkapayapaan dala ang kanilang mga armas at nakasuot ng
kanilang uniporme.
Pero, ayon kay Guiabar rido o away
pamilya ang pinag-ugatan ng nasabing salpukan ng dalawang magkaribal na pwersa.
Ikinalat na ang mga tauhan ng 602nd
brigade ng Army sa North Cotabato upang mapigilan ang paglala ng sitwasyon.
Isa sa mga vital installations na
makikita malapit sa brgy. Marbel ay ang main headquarters ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco), na nagbibigay ng
supply ng kuryente sa 98,000 konsumante nito sa probinsiya. (Rhoderick Beñez)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento