(Kabacan, North Cotabato/March 21, 2012) ---Wala
umanong katotohanan ang paratang na kagagawan umano ng National Grid
Corporation of the Philippines o NGCP ang nangyayaring brown-out sa bahaging
ito ng Mindanao, ito upang i-pressure umano nila ang mga local officials para
sang-ayunan ang pagsasapribado ng ilan pang natitirang mga power plant na
pag-aari ng gobyerno.
NGCP Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza |
Ito ang naging paliwanag ni NGCP
Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza sa panayam ng DXVL – Radyo ng Bayan, aniya
batay umano sa EPIRA law bawal na panghihimasukan ng NGCP ang pagsasapribado ng
Agus at Pulangi Plant.
Sinabi pa nito na wala rin umano silang
makukuhang benepisyo kahit pa man isasapribado ang nasabing mga planta, dahil
transmission lamang ang kanilang ibinibigay na serbisyo at hindi ang
pag-gegenerate ng kuryente.
Giit pa ng opisyal na di rin umano nila
kontrolado ang supply at maging ang mga kooperatiba bagama’t sila umano ang
dinadaan o “highway” ng kuryente dahilan kung bakit nalalaman nila ang buong
kalagayan ng power supply sa Mindanao.
Gayunpaman, handa umano ang NGCP na
makipag-ugnayan sa mga local officials ng Mindanao at sa lahat ng kinauukulan,
para maipaliwanag nila ang nangyayaring krisis sa enerhiya sa Mindanao
.
Aminado rin si Atty. Alabanza na wala
umanong tinatago ang NGCP sa naturang usapin, sa katunayan ay sumulat na rin
ito kay MINDA chair Luwalhati Antonino at sa pamunuan ng Department of Energy
kay Sec Almendras para sa nakatakdang diyalogo.
Dagdag pa nito na may niluluto na rin umano
silang short term solution upang kung di man tuluyang masulusyunan ay maibsan
lamang ang napakahabang brown-out sa bahaging ito ng Mindanao. (Rhoderick Beñez)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento