SA KABILA umano ng ceasefire na ipinatutupad ng gubyerno sa rebeldeng New Peoples Army, nagpapatuloy ang Oplan Bayanihan ng Armed Forces of the Philippines, lalo na sa mining sites sa Mindanao.
Ito ay ayon sa spokesman ng NDF-Mindanao na si Ka Efren.
Ang OPLAN Bayanihan, ayon kay Ka Efren, ay nagpapatuloy sa bayan ng Tampakan, South Cotabato; Columbio, Sultan Kudarat; at Kiblawan, Davao del Sur – mga lugar kung saan nagmimina ang Xtrata-SMI.
Nagsisilbi umano na security ng mining company ang mga sundalo na miyembro ng 27th IB, mga CAFGU, at ang Task Force Kitaco.
Ang operasyon ng AFP, ayon pa kay Ka Efren, ay sa paraan ng ipinangangalandakan umano nila’ng, “peace and development efforts” sa mga lugar na itinuturing na impluwensiyado ng NPA.
NILINAW ni Lt. Col. Leopoldo Galon, spokesman ng Eastern Mindanao Command, na ang sakop lamang ng ceasefire o tigil-putukan ay ang opensiba ng military kontra sa NPA.
Hindi raw sakop nito ang security operations ng AFP sa mga government installations at ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lugar.
Hindi rin, aniya, titigil ang AFP sa kanilang peace-building activities sa mga lalawigan ng Davao del Sur, South Cotabato, at Sultan Kudarat.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento