(USM, Kabacan, North Cotabato/ February 14,
2014) ---Nailuklok bilang pampitong Pangulo ng Pamantasan ng Katimugang
Mindanao si Dr. Francisco Gil Iko Garcia matapos na makuha nito ang pitong boto
ng USM Board of Regents sa isinagawang BOR meeting na isinagawa sa CHED Manila,
kahapon ng hapon.
Ito ang kinumpirma sa DXVL News kahapon ni USM
OIC President Atty. Christopher Cabelin na mayroon ng bagong halal na Pangulo
ang pamantasan.
Sinabi ni Cabelin na agad na nanumpa bilang
bagong halal na pangulo ng USM si Garcia matapos ang deklarasyon at siya ay
pormal na uupo bilang bagong president pagkatapos ng ceremonial turn-over na
gaganapin sa loob ng pamantasan anumang araw mula ngayon.
Hindi umano magiging mahirap ang gagawing
turn-over sapagkat bago pa man magkaroon ng halalan ay naihanda na nila ang
lahat ng kakailanganin upang mas mapadali ito.
Umabot umano ng limang beses o 5th round ang
ginawang botohan ng Board of Regent kung saan nakakuha si Garcia ng pitong
boto na ikinokunsiderang majority votes
pabor sa nahalal na bagong pangulo.
Inamin naman ni Cabelin na nag-abstain umano
ito sa botohan upang ipakita na ang legasiya na maiiwan niya sa USM ay walang
impresyon na meron siyang sinusuportahan sa mga tumakbong pangulo.
Aniya, kung sinuman ang nanalo ay iyon ang
kaniyang sinusuportahan.
Gusto umano nito na manatili ang isang peaceful
transition.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Dr.
Garcia ang lahat ng mga sumuporta sa kanya at hinihingi nito ang kooperasyon ng
lahat para sa ikagaganda ng USM. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento