(Kidapawan City/ July 31, 2013) ---Mariing kinondena ng
makabayan party ang nangyaring paniniktik at harassment sa standard bearer
nitong si Councilor Ruby-Padilla Sison nito lamang nakaraang linggo.
Paniwala ng grupo na ang pagiging kritikal at agresibo sa pagtutol sa napakaraming mga
kontrobersiya sa loob ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang nakikitang dahilan
ngayon ng grupo sa banta sa buhay ng nabanggit na konsehala, bagay na
ikinabahala rin ng progresibong grupo.
Ayon kay Makabayan Party North Cotabato Coordinator
Bebiano Gabo may batayan ang kanilang pahayag, aniya, sa unang ginawang
pagtitipon ng peace and order council sa ilalim ng pamunuan ni lieutenant
Coronel Haron Acas ng Task Force Cotabato, kabilang sa kanyang report ang
pangalan ng konsehala bilang lider umano ng organisasyong may banta sa lungsod
ng Kidapawan.
Mahigpit na tinitingnang dahilan rin ng grupong
MAKABAYAN ang matapang na pagsusulong ng
konsehala ng isang masusing imbestigasyon sa pamamagitan ng joint
committee of the legal matters and joint committee on finance sa kontrobersyang
75M equipment loan ng Sangguniang Panglungsod ng Kidapawan.
Kaugnay nito, nakatakda ring maglunsad ng pagkilos ang
grupong Gabriela youth ngayong linggo upang kondenahin ang ginawang harassment
sa nasabing konsehala.
Ayon kay Narevel Silvano, tagapagsalita ng grupo,
layunin nitong ipakita ang lakas ng mga kababaihan sa kabila ng mga panunupil
sa hanay nito, hindi kelanman man mabubura sa mga kababaihan ang paglaban para
sa kapakanan ng nakararami, aniya, ang katapangang ipinakita ni Sison sa loob
ng konseho ay isang karangalan sa mga kababaihan.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento