Mga nasyonal at lokal na turista, dinarayo ang Mt. Apo ngayong papalapit ang summer; tourism in-charge ng Kidapawan city may babala para sa mga climbers
LABING-DALAWANG mga call center agents mula sa kalakhang Maynila at Davao City ang umakyat sa tuktok ng Mount Apo kahapon, gamit ang Mandarangan trail ng Kidapawan City .
Ayon kay Ronaldo Samonte, 32, team manager ng Concentrix Call Center sa Maynila, dalawang linggo rin sila’ng naghanda para sa gagawing pag-akyat nila sa Mount Apo .
Ito ay sa kabila pa man ng mga pag-ulan at ‘di magandang panahon.
Para kay Samonte at sa grupo niya, ang pinaka-layunin ng pag-akyat nila ay ang muli’ng makita ang kagandahan ng Mount Apo – ang pinakamataas na bundok sa buong Pilipinas.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na aakyatin ng grupo ni Samonte ang bundok.
DAHIL maulan ngayon, sinabi ni Marife Pame, in-charge ng Tourism Office, na ire-regulate nila ang pag-akyat sa Mount Apo .
Papayagan lang nila ang mountain climbers na abot sa 50 every other day. Dahil kung pagbibigyan ang lahat na aakyat nang sabay-sabay, posibleng magka-problema sa trail at magkaka-traffic sa bundok.
SAMANTALA, bukas March 31 hanggang April 2, mangunguna ang mga LGU ng Kidapawan, Magpet, at Makilala o KMM sa clean-up drive sa Mount Apo .
Magiging katuwang ng KMM sa garbage collection at trail management ang 6th Infantry Division ng Philippine Army. Abot sa 150 na mga candidate soldiers ang sasama sa clean-up drive, ayon na rin kay Pame.
Layon ng clean-up drive na muli’ng ihanda ang Mount Apo para sa mga mountain climbers na aakyat ngayong summer.
TATLO ang trail ng Mount Apo sa KMM – sa Kidapawan City, ang Mandarangan trail; sa Magpet, ang Bongolanon Falls; at sa Makilala, ang Barangay New Israel.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento