(Kabacan, North Cotabato/ October 19, 2015)
---Patay ang 26-anyos na estudyante ng St. Lukes Institute Kabacan matapos
sumailalim sa hazing ng initiation ng fraternity sa bayan ng Kabacan, North
Cotabato nitong hapon ng Sabado.
Kinilala ni PSI Ronnie Cordero, hepe ng
Kabacan PNP ang biktima na si Bobong Bualan, 26-anyos, at kasalukuyang
nangungupahan sa Bai Matabay Plang Village IIA, Poblacion, Kabacan, North
Cotabato.
Batay sa ulat, bago ang insidente ay kasama
pa umano ng biktima na pumasok sa isang boarding house ang isang Leo Terante,
na nasa hustong gulang, estudyante at residente ng Pigcawayan, Cotabato na nasa
panulukan ng Aglipay at Bonifacio St., Kabacan, Cotabato.
Bigla na lamang umanong nahimatay ang
biktima habang naka-upo sa terrace ng nasabing boarding house.
Dahilan kung bakit isinugod nila si Bualan
sa Kabacan Medical specialist pero din a ito umabot pa ng buhay.
Ayon sa report, nagtamo ng maraming pasa at
sugat ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan buhat umano sa
pagpalo sa kanya ng kanyang mga kabaro mula sa Tau Gamma Phi Sigma USM Chapter.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad
ang mga responsable sa nasabing initiation ng fraternitong Triskelon, na ayon
sa report ay isinagawa sa Matalam.
Samantala sa kaugnay na balita, kinondena
naman ng isang Non-Government Organization o NGO sa bayan ng Kabacan ang
nangyaring hazing kay Bobong Bualan na estudyante ng St. Luke’s Institute.
Sinabi ni Moro P’core Director Zaynab
Ampatuan na dapat ay managot ang mga responsable sa nasabing krimen.
Aniya, dapat din umanong maibalik at mabuhay
ang active youth organizing sa Kabacan para matutukan ang mga aktibidad ng
kabataan upang hindi sila masasadlak sa droga, online games, gangs at mga
fraternities.
Lalo na ang isyu hinggil sa pagkamatay ng
estudyanteng si Bualan dahil sa Hazing.
Ayon sa report agad namang inilibing sa
bayan ng Pikit si Bobong Bualan batay naman sa tradisyon ng Muslim.
Si Bualan ay nakasali pa noon sa isinagawang
Hip-hop Dance for a cause ng DXVL FM noong Hulyo. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento