(North Cotabato/ January 3, 2015) ---Bulagta
ang isang kasapi ng militar habang tatlong iba pa ang sugatan makaraang salakayin
ng mga elemento ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang detachment ng
mga sundalo sa bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat kagabi.
Kinilala ni 6th ID Spokesperson Army Capt
Joan Petinglay ang nasawing sundalo na si Corporal Daniel T Valenzuela II
habang sugatan naman sina Private First Class Gerry Gorgonio, Private First
Class Bryan Baylon, Private First Class Joel Abellar.
Nagkapalitan ng putok ang tropa ng
pamahalaan at ng rebeldeng grupo kungsaan napuruhan si Valenzuela na buhat sa Katico
detachment habang sugatan naman ang tatlong mga natukoy na sundalo na pawang
mga miyembro ng 33rd Infantry Batallion ng Philippine Army.
Agad dinala sa pagamutan ng rumespondeng
elemento ng 62nd Division Reconnaissance Company ang mga sugatang sundalo.
Kaugnay nito, sinabi ng tagapagsalita ng
sundalo na nagpapakita lamang umano ito na patuloy ang ginagawang pananabotahe
ng BIFF sa kapayapaan sa Central Mindanao.
Napag-alaman na daan-daang residente sa mga
apektadong lugar ang nagsilikas dahil sa takot na madamay sa kaguluhan.
Patuloy namang naka-monitor ang mga militar
sa banta ng BIFF habang patuloy rin ang ginagawang clearing operation ng mga
elemento 33rd IB sa nasabing lugar.
Unang nagparamdam ang BIFF sa bahagi ng
Maguindanao sa pagpasok ng 2015 makaraang paulanan ng bala ang isa ring
detachment sa Shariff Aguak. Rhoderick
Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento