(Kidapawan city/February 13, 2012) ---Pumuga ang preso na nakilalang si Randy Reyes Ugad, isang ex-Army, habang ginagamot sa Cotabato Provincial Hospital sa Amas Complex, Kidapawan City, alas-tres ng umaga, kahapon.
Ayon kay Chief Inspector Ramon Hernandez, warden ng North Cotabato Rehabilitation Center, apat na ‘di kilalang lalaki ang pumasok sa kwarto sa ospital ni Ugad at tinutukan ang mga jail guards at gwardiya ng ospital.
Armado umano ang mga suspect ng caliber 45 pistol.
Kasabay din nila sa pagtakas ang isang babae na nagpakilalang misis ng preso.
Isa sa mga gwardiya ang nagsabi na ang isa sa mga tumulong sa pagtakas ni Ugad ay nasa ospital na, alas-10 pa ng gabi, noong Sabado.
Subject na ng manhunt ng Amas Jail at ng Cotabato Provincial PNP ang pumugang preso at ang apat katao na tumulong dito na makatakas.
Nakuha umano sa close circuit television o CCTV ng ospital ang mga hitsura ng apat katao at maging ang nagpakilalang misis ng preso.
Si Ugad ay inaresto at nakulong sa Libungan, North Cotabato dahil sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms.
Mismong ang korte sa Pigcawayan ang nag-utos sa Bureau of Jail Management and Penology sa North Cotabato na ipagamot muna sa ospital ang preso bago ito ipasok sa kulungan.
Noon pang February 8 ito ipinasok sa North Cotabato Provincial Hospital sa Amas Complex.
Duda si Warden Hernandez na planado ang lahat kaya’t nagtagumpay ang preso na makapuga.
Subject na ng manhunt ng mga awtoridad si Ugad at maging ang apat katao, kasama pa ang misis ng pumugang preso, para din mapanagot sa krimeng kanilang ginawa.
Nabatid na si Ugad, may alias na Arnold Abello, ay nahaharap din sa dalawang kaso ng murder: isa sa Camarines Sur nong 2008 at isa sa Sorsogon noong 2009.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento