(Kabacan, North Cotabato/February 14, 2012) ---- “Bitter kami sa araw ng mga puso”, ito ang sigaw ng militanteng grupo ng mga kabataang kababaihan sa paggunita sa tradisyunal na valentines day ngayong araw.
Ang araw ng mga puso na ginugunita sa ika-14 ng Pebrero kada taon ay gagawing araw ng pagkilos ng militanteng grupo bilang paunang tambol para sa nalalapit na pandaigdigang buwan ng mga kababaihan.
Ayon kay Gabriela Youth Kabacan Chapter Lourville Taliad ikinababahala nila hindi lamang sa sektor ng kababaihan kungdi maging ng nakakarami ang patuloy na pag-sapribado ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Aniya, nahihirapan na nga daw ang mamamayan sa publikong ahensiya ng gobyerno sa mga transaksiyon mas lalo pa daw itong mabigat kung pribado na ang may hawak.
Giit pa nito na hindi kaiba ang krisis na kinakaharap ng mga kababaihan sa kasalukuyang panahon sa kahirapan na natatamasa ng sambayanan bagkus, nananatili at tumitindi ang pagsupil sa mga karapatan ng mga ito sa usaping panggugubyerno at pagdedesisyon.
Kaugnay nito, nakatakdang maglunsad ng serye ng mga pagkilos ang mga kabataang kababaihan para sa paggunita ng pandaigdigang buwan ng mga kababaihan bitbit nito ang panawagan sa usaping oil price hikes, budget cuts sa social services, tuition and other fee increases, K+12 curriculum, mababang sahod, kontraktwalisasyon, kawalan ng hanap-buhay at iba pang mga problemang kinakaharap ng bansa.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento