(Makilala, North Cotabato/February 4, 2012) ---Sinunog ng umano mga miyembro ng New Peoples’ Army (NPA) ang outpost ng 57thInfantry Battalion sa may Purok-6, Barangay Batasan, Makilala, North Cotabato kagabi.
Ayon kay Lt. Manuel Gatus, spokesperson ng 57th IB, walang mga sundalo na naroon sa erya nang masunog ang outpost na nagsisilbing detachment rin ng Barangay Peacekeeping Action Team o BPAT ng Barangay Batasan.
Noon pang nakaraang Miyerkules bumaba mula sa Purok-6 patungo ng sentro ng barangay ang mga sundalo nila.
Wala namang mga nadamay na bahay sa sunog, ayon sa ilang mga residente sa lugar.
Ang outpost ay halos ilang metro din ang layo mula sa mga bahay ng mga sibilyan.
Pero sinabi ni Gatus na itatayo pa rin ng mga residente sa lugar ang kampo ng BPAT at ng 57th IB sa pamamagitan ng bayanihan.
Mananatili, aniya, sa lugar ang mga sundalo hangga’t kailangan sila ng mga sibilyan bilang proteksyon kontra sa mga rebeldeng NPA.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento