Written by: Danilo Doguiles
KORONADAL CITY, Enero 31 (PIA) -- Sa taya ng Office of the Provincial Agriculturist ng South Cotabato umabot sa P3.8 milyon ang pinsalang dulot ng nangyaring fishkill sa Lake Sebu ilang araw ang nakalipas.
Ayon kay Provincial Agriculturist Reynaldo Legaste, unang naiulat ng municipal fishery office ng Lake Sebu na 46,050 kg ng tilapia ang lumutang noong Biyernes.
Nadagdagan pa ito ng 2,500 na kilo ng tilapia base sa report ng naturang opisina kahapon ng umaga o kabuuang dami ng namatay na tilapia na 48.5 tonelada.
Apektado sa naturang pangyayari ang may 48 may-ari ng mga fish cage sa lawa.
Paliwanag ni Legaste, ang fishkill, na tinatawag na “kamahong” ng mga lokal na residente, ay dulot ng kawalan ng oxygen sa lawa at pag-release ng iba pang chemicals na resulta naman sa paglubog ng sobrang pagkain ng mga tilapia sa mga fish cage.
Karaniwang nangyayari ang kamahong sa Lake Sebu isang beses isang taon. Noong Hulyo ng nakaraang taon, umabot sa 13 na tonelada ng tilapia ang nasira dahil sa fish kill; nagkakahalaga ang naturang pinsala ng P1.4 milyon.
Umaasa si Legaste na papapatapos na ang fishkill sa naturang lawa kung ang pagbabatayan ay ang pagbaba ng dami ng mga tilapiang namamatay noong Biyernes hanggang kahapon.
Hindi naman aniya lahat ng klase ng isda mula sa Lake Sebu ang apektado ng fishkill.
Pinakamainam umanong gawin ay tingnang mabuti ang binibiling tilapia. Kabilang sa mga sinyales na biktima ito ng fishkill ang tuyong balat ng isda at maputlang hasang ng isda.
Samantala, ayon kay Legaste, kahapon, agad niya sinertipikahan ang pagpapalabas ng 2.5 milyon na tilapia fingerlings upang ipamamahagi sa mga may-ari ng mga fish cage na apektado ng fishkill.
Aniya, layon ng tanggapan na matulungan ang mga mangingisda sa lake Sebu na agad makabangon mula sa pagkalugi.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento