Arakan, North Cotabato- Mahigpit na kinondena ng mga progresibo at militanteng kabataan ang naganap na forum sa Cotabato Foundation College of Science and Technology (CFCST) sa Arakan Valley, North Cotabato na inorganisa ng 57th Infantry Battalion ng Philippine Army. Tinawag itong “BAYANIHAN FORUM”, sa nasabing pagtitipon, direktang sinabi nang resource speaker na si Col. Leopoldo Galon ng Philippine Army na mga “front” ng New Peoples Army ang grupo ng ANAKBAYAN, Kabataan Party, Gabriela Womens Party, ANAKPAWIS, Bayan Muna at ACT Teachers Party.
Ayon kay Jeffrey Cuyno, tagapagsalita ng ANAKBAYAN- Arakan Chapter, “isa itong porma ng political harassment sa aming grupo at sa aming mga miyembro bilang isang lehitimong organisasyon. Bahagi ito ng implementasyon ng counter insurgency na Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino na ang layunin ay patahimikin ang mga grupong kritikal sa kanyang mga anti-mamamayan na polisiya at programa”.
Dagdag pa ni Cuyno, “ tuwirang paglabag ito sa aming karapatan bilang mga mamamayan, desperadong hakbangin ito ng 57th IB dahil sa aming panawagan na paalisin na sila sa aming lugar dahil sa tuloy-tuloy ng mga paglabag sa karapatang pantao lalo na ang pagpatay kay Fr. Pops Tentorio , Ramon Batoy at iba pang sibilyan sa lugar .”
Sa nasabing forum nag-walk-out ang humigit kumulang isang libong estudyante bilang protesta sa pahayag ng resource speaker. Ayon din sa mga estudyante ng CFCST, may mga pagkakataong nakikita nila ang mga miyembro ng militar na pumapasok sa kanilang campus na may mga bitbit na baril na nagdudulot ng takot at pangamba sa mga estudyante.
“ Nakakabahala ang pahayag ni Col. Galon. Ang patuloy na pagdami ng bilang ng biktima ng extra judicial killing sa bansa at ang pag implementa ng Oplan Bayanihan ay magdudulot ng matinding paglabag sa karapatang pantao. Ginagarantiya ng ating Saligang Batas ang ating karapatan sa pagbubuo ng organisasyon, asembliya at pamamahayag. Layunin nang aming grupo na ipaglaban ang karapatan ng kabataan at mamamayan sa trabaho, lupa at serbisyong panlipunan. Ang pagpapamulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kabataan at maging kritikal sa mga polisiya na anti-mamamayan ay patuloy naming isusulong at ipaglalaban “ pagtatapos ni Cuyno
0 comments:
Mag-post ng isang Komento