(Kabacan, North Cotabato) December 24, 2011 --- Lima ang naitalang sugatan, dalawang araw bago magpasko, kungsaan isa sa mga naging biktima ay malubha sa nangyaring pagsabog ng improvised explosive device o IED sa Corner Malvar St., at Aglipay St., Poblacion, Kabacan, Cotabato partikular sa isang tindahan na pag-aari ni Rey Grigillana dakong alas 6:45 kagabi.
Kinilala ni P/Supt. Joseph Semillano, hepe ng Kabacan PNP ang mga sugatan na sina: Renato Mendoza, 39, may asawa at residente ng Purok Sto. Nino, Bonifacio St., Poblacion ng bayang ito kungsaan nasa malubhang kalagayan makaraang tamaan ng shrapnel sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Elsa Araiz, 42, may asawa at residente ng Ma. Clara St., Poblacion, Kabacan; Russel Bigwas, 18, single, USM Student at residente ng Purok Masagana, Poblacion, Kabacan; Jovelyn Ligo Haro, 19, single at pansamantalang na ninirahan sa Bonifacio St., Poblacion, Kabacan at Darwin Galas, 40, may asawa at residente ng Poblacion ng nabanggit na bayan.
Ang mga biktima ay mabilis namang isinugod sa Kabacan Polymedic Hospital at USM Hospital.
Subalit si Mendoza na nasa malubhang kalagayan ay inilipat naman sa Cotabato Provincial Hospital para sa operasyon dahil bumaon sa likurang bahagi ng katawan nito ang fuse ng 81millimeter mortar.
Sa report, dalawang 81mm na ied’s na kapwa pinagdikit ang itinanim sa lugar subalit isa lamang sa mga ito ang sumabog dahil ang isa ay isang tinatawag na low order type na ied.
Sa ngayon patuloy pang inaalam ng mga otoridad ang totoong motibo ng pagpapasabog.
Inatasan na rin ni Kabacan Mayor George Tan ang mga pulisya na palalimin pa ang imbestigasyon sa panibago na namang pananabotahe sa bayan.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento