(Kabacan, North Cotabato/ September 27, 2013)
---Bumagsak ang isang transmission line ng National Grid Corporation of the
Philippines na nasa bahagi ng Sitio Malabuaya, Brgy. Kayaga, Kabacan, Cotabato
makaraang pasabugan dakong alas 7:40 kagabi.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng pinagsamang
puwersa ng militar buhat sa 7th Infantry Battalion, 38th
Infantry Batallion, at Kabacan PNP sa pangunguna ni Police Chief Inspector
Jordine Maribojo, nabatid na IED ang ginamit ng mga hindi pa matukoy na suspek
sa pagpapasabog.
Ayon sa pulisya, sinadya umanong ilagay ang
naturang pampasabog sa paanan ng transmission line dahilan kung bakit ito
tumagilid at nagresulta ng halos dalawang oras na pagkawala ng suplay ng
kuryente sa bayan ng Kabacan at kalapit na mga lugar.
Samantala, magkakasa naman ng post blast
investigation ang Explosives and Ordnace Team upang matukoy kung anong klase ng
bala at kung anong naging komposisyon ng IED.
Layon din ng nagpapatuloy na imbestigasyon
na matukoy kung sino ang posibleng may kagagawan nito at ang kanilang motibo.
Wala namang may naiulat na nasaktan sa
naturang insidente.
Sa ngayon ay nagsanib ang mga puwersa ang
mga opisyal ng Brgy. Malabuaya kasama ang mga elemento ng 38th
Infantry Batallion ng Philippine Army upang ma-secure ang lugar.
Samantala dahil sa mga sunod-sunod na
pang-aatake at pananabotahe ng grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o
BIFF sa North cotabato, nagbabala ngayon ang Reformed Ilaga Movement na
lalabanan nila ang nasabing pangkat.
Ito makaraang nilusob kahapon ng nasabing
grupo ang bayan ng Mlang, Tulunan at ang nangyaring sagupaan naman nitong Lunes
sa bahagi ng Midsayap.
Kaugnay nito di pa mabatid ng mga otoridad
kung mga grupo ng BIFF ang nasa likod ng nasabing pagpapasabog sa NGCP Tower na
nasa bahagi ng Sitio Malabuaaya, Kabacan. (Rhoderick Benez)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento