(Kabacan,
North Cotabato/ September 27, 2013) ---Dinagdagan ngayon ng tropa ng militar
ang paligid ng pinangyarihan ng pagsabog sa tower ng National Grid Corporation
of the Philippines o NGCP.
Ayon
kay PCInsp. Jordine Maribojo, hepe ng Kabacan PNP naglagay na sila ngayon ng
dagdag na force multipliers sa lugar kagaya ng dagdag na tropa ng 38th
Infantry Battalion, Citizens Armed Forces
Geographical Unit (CAFGU) kasama na ang Barangay Peacekeeping Action Team
(BPAT).
Nabatid na itinanim ang
improvised explosive device na gawa sa 81-mm mortar kungsaan cellphone ang ginamit
na triggering device sa NGCP tower 141 na makikita sa Sitio Malabuaya, Barangay
Kayaga ng bayang ito at sumabog alas 7:20 kagabi.
Ang nasabing pagsabog ay
naglikha ng malawakang brown-out sa service area ng Cotabato Light and Power
Company sa Cotabato City; Cotabato Electric Cooperative (Cotelco) dito sa North
Cotabato at Sultan Kudarat Electric Cooperative (Sukelco) sa lalawigan ng
Sultan Kudarat.
Ang napinsalang NGCP
tower ay kumukunekta sa 138KV line ng NGCP sa Kibawe, Bukidnon at Nuling, Sultan
Kudarat sa Maguindanao at sa mga probinsiya ng North Cotabato at Sultan
Kudarat.
Bagama’t may lead ng
sinusundan ang tropa ni PCInsp. Maribojo di muna nito pinangalanan kung anung
grupo para di madiskarel ang nagpapatuloy na imbestigasyon.
Sinimulan na rin ng NGCP
ang pagkukumpuni ng nasirang linya ng kuryente at di pa nila batid kung kalian
mababalik ang serbisyo ng kuryente sa naapektuhang linya ng NGCP tower na
pinasabugan. Rhoderick Beñez DXVL News
0 comments:
Mag-post ng isang Komento