(Pigcawayan, North Cotabato/
November 14, 2012) ---Tatawaging Municipality of Pahamudin ang bagong bayang
nais itatag ng mga Muslim leaders sa Pigcawayan, North Cotabato.
Lumabas ang nasabing suhestiyon
sa ginawang konsultasyon kaugnay ng Bangsamoro Framework Peace Agreement nitong
Biyernes, November 9, sa Barangay Libungan- Torreta ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Northern Kabuntalan,
Maguindanao Mayor Ramil Dilangalen na inimbitahang magsalita sa nasabing forum,
matagal na umano itong hinahangad ng mga Muslim barangays sa Pigcawayan.
Dagdag ng opisyal, ilang
congresspersons na rin umano ang dumaan ngunit hindi ito nabibigyan ng
kaukulang atensyon.
Samantala, nagpahayag naman ng
suporta si North Cotabato First District Cong. Jesus Sacdalan tungkol sa bagay
na ito.
Ayon sa kongresista,
kinakailangan umanong gumawa ng joint resolutions ang mga barangay na nais
sumali sa itatatag na bayan, ayon sa report ni PPALMA News correspondent
Roderick Bautista.
Ang planong itatag ang Pahamudin
Town ay hindi naman nakikitang balakid sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran
ng bayan ng Pigcawayan ayon kay Mayor Roberto Blase.
Magiging bahagi pa rin ng North
Cotabato ang nasabing bagong bayan kung sakaling maaprubahan ito sa kongreso.
(Roderick Bautista)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento