(Kabacan, North Cotabato/ November 20, 2014)
---Tinawag ngayong diversionary tactics ng mataas na opisyal ng militar ang
ginawang pang-aatake ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa ilang mga
kampo ng CVO at militar sa lalawigan ng North Cotabato.
Ito ang sinabi sa DXVL News Radyo ng Bayan
ni Col. Noel Clement ang Commanding Officer ng 602nd Brigade.
Ito para mabaling ang pokus ng militar sa
ipinapatupad nilang law enforcement sa mga lugar na pinagkukutaaan ng mga
rebeldeng grupo.
Matatandaan na magkasunod na sinalakay ng
BIFF ang outpost ng mga miyembro ng Civilian Volunteer Organization (CVO) sa
Sitio Lunok, Brgy Baliki, Midsayap, North Cotabato at detachment ng 7th
Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Hinatilan, Pikit, Cotabato
kamakalawa ng gabi.
Tumagal ng isang oras ang palitan ng putok
sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Umatras ang mga rebelde nang dumating ang
karagdagang pwersa ng militar.
Walang nasugatan sa mga CVO, Cafgu at mga
sundalo habang hindi pa matiyak sa panig ng mga rebelde.
Lumikas na rin ang mga sibilyan sa takot na
maipit sa naturang kaguluhan.
Samantala, malaki ang paniniwala ni Col.
Clement na mga grupo ng BIFF ang responsable sa nanagyaring pagpapasabog dito
sa bayan ng Kabacan.
Nakikipagtulungan na rin ngayon ang militar
sa mga opisyal upang maharap ang nasbaing insidente. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento