By:
Sarah Jane Corpuz Guerrero
(Kabacan, North Cotabato/ November 20, 2014)
---Hinamon ni Mayor Herlo P. Guzman, Jr ang mga tao na nasa likod ng pambobomba
sa bayan ng Kabacan na ipakita ang kanilang katapangan sa pamamagitan ng
paglalantad sa kanilang sarili sa publiko at huwag magkubli sa likod ng
kanilang mga pananakot.
Sa report na ibinahagi ni OIC-Chief of Police Jarwin C.
Castroverde, ang unang pagsabog ganap 6:45 ng gabi noong nakaraang lunes,
November 16, 2014 sa may over-pass harap ng Kabacan Pilot Central School, ay
sanhi ng isang improvised explosive device na ikinasawi ng isang college
student ng USM at ikinasugat ng labing-anim pang iba.
Kanyang ipinahayag ang kanyang pagkondena sa
nasabing pambobomba sa harap ng mga miyembro at opisyales ng Municipal Peace
and Order at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Councils ng
Kabacan sa kanyang ipinatawag na
pagpupulong noong November 17, 2014 sa Kabacan, Cotabato. Dagdag pa niya, hindi
umano makatarungan at nagpapakita lamang ito ng kahinaan ng loob sa mga taong
gumawa nito.
Sa pagpupulong kanyang binigyan ng direktiba ang lahat ng security
forces sa Kabacan na gawin ang lahat upang mapaigting pa ang seguridad ng
Kabacan.
Ayaw namang magbigay ng kumento ang alkalde
hinggil sa motibo sa pagpapasabog at mariin niyang sinabi na may ginagawa ng
hakbang ang mga kapulisan upang mahuli na ang salarin at managot ang dapat
managot.
Tumataginting na isang daang libong piso
bilang reward money ang ibibigay ng Lokal na Pamahalaan ng Kabacan sa sino mang
makapagtuturo sa salarin na nasa likod ng karumaldumal na pambobomba.
Ipinahayag din ng alkalde na sinagot na ng LGU kasama ang Provincial Government
of Cotabato ang lahat ng gastosin sa pagpapagamot ng mga biktima at financial
assistance naman sa naiwang pamilya ni Monique Mantawil, ang estudyanteng
nasawi dahil sa pambobomba.
Maliban pa dito, inorganisa na rin ang
Special Investigation Task Group “Monique” na siyang tututuk sa imbestigasyon
sa naganap na pambobomba sa bayan ng Kabacan. Ang SITG “Monique” ay
pinamumunuan ni Police Superintendent Danilo P. Peralta ang Provincial Director
ng Cotabato Police Provincial Office at katuwang ng Task Group ay ang Crime
Investigation and Detection Group o CIDG.
Binigyan na ng direktiba ni P/Supt.
Danilo P. Peralta ang Kabacan Municipal Police para sa pagsasagawa ng mas
malalim pang scene crime investigation at ang pag-identify pa ng iba pang
witnesses sa nasabing pambobomba
0 comments:
Mag-post ng isang Komento