(USM, Kabacan, North Cotabato/ June 11, 2013) ---Dismayado ang maraming estudyante ng University of Southern Mindanao Main campus sa pamamaraan umano ng pagkilos sa loob ng Pamantasan.
Anila naaapakan na umano ang kanilang karapatan na malayang makapag-aral dahil sa muling pagsasara ng lagusan ng Pamantasan.
Ito makaraang inulan ng sumbong at reklamo ang textline ng DXVL ng mga ng-aalburutong estudyante ng Pamantasan.
Bukod dito, nababahala na rin ang mga education graduates ng USM na baka hindi sila makapag-file ng kanilang requirements sa PRC para sa nalalapit na Licensure Examination for Teachers o LET dahil sa bukod sa isinara ang USM administration building ay sarado din ang USM main gate at ilang mga lagusan sa Unibersidad.
Dahil sa gusot sa USM, marami ang apektado kasama na dito ang kita araw-araw ng mga tricycle drivers, mga carenderia at ilang mga negosyo sa Kabacan.
Kahapon, napagkasunduan sa isinagawang Municipal Peace and Order Council Meeting ang paglalagay ng Peacekeeping force para tiyakin ang seguridad sa loob ng USM Main campus. Ito ang sinabi ngayong umaga ni Dr. Cedric Mantawil ng LGU Kabacan bilang tugon ng pamahalaang lokal ng Kabacan sa nagpapatuloy na gusot sa Pamantasan.
Aniya ang paglalagay ng Peacekeeping Force ay para maipagpatuloy ng mga raliyesta ang kanilang pagkilos at ang kanilang panawagan sa kasalukuyang Presidente ng Pamantasan nang maayos at walang gulo gayundin para tiyakin ang seguridad ng bawat mag-aaral ng Pamantasan at mga kawani na papasok sa unibersidad ng ligtas.
Ikalawang araw na ngayong walang pasok sa USM dahil sa pagsasara ng mga raliyesta sa mga lagusan ng Pamantasan.
Sa report na natanggap maging ang daanan sa University of Southern Mindanao Research Center o USMARC ay hinarangan na rin ng mga raliyesta.
Hindi na rin pinapasok ng mga ito ang mga empleyado na nag-oopisina sa nasabing tanggapan. (Rhoderick BeƱez)