4 patay, 7 iba pa sugatan sa pagsabog ng granada sa Midsayap kagabi; seguridad sa 75th foundation anniversary ng Midsayap hinigpitan kasabay ng pagkarekober ng IED sa lugar
Patay ang apat katao habang pitong iba pa ang sugatan makaraang sumabog ang granda sa Brgy. Nalin 1, Midsayap, Cotabato dakong alas 7:30 kagabi.
Kinilala ni P/Supt. Franklin Anito ang mga biktima na sina Hilario Villaflor, 60-taong gulang may-asawa at residente ng nasabing lugar kung saan idineklarang dead on the spot.
Tatlo din ang namatay sa ospital na sina John Loyd Anza, 8; Isidro Awa, 40; at ang 12-taong gulang na si Eric John Querol.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad lumalabas na posibleng love triangle ang motibo ng nasabing paghahagis ng granada sa pamamahay ng isang Dina Madrigal ng nasabing lugar.
Patuloy naman ang malalimang imbestigasyon ng Midsayap PNP sa nasabing pangyayari, isang araw bago ang Sinugba Festival at 75th diamond anniversary ng bayan.
Una rito, mas pinaigting ngayon ng pulisya at militar ang pagbabantay sa isang linggong selebrasyon ng 75th Foundation Anniversary sa Midsayap, North Cotabato, kasunod ng pagkaka-defuse ng 66th Explosive Ordnance Disposal Team kahapon ng isang malakas na uri ng improvised explosive device (IED) sa Purok Tres Rosas, Brgy. Sadaan, Midsayap.
Ayon kay Mark Salva, drayber ng isang traysikad, sumakay umano ang isang hindi nakilalang pasahero mula sa bus terminal at nagpahatid sa isang malaking pamilihan. Nagtaka si Salva dahil hindi na bumalik ang kanyang pasahero kaya sinita siya ng security guard na umalis na dahil nakakaabala na ito sa daloy ng trapiko.
Dinala ng drayber ang karton na may lamang thermos sa kanilang tahanan ngunit nang kanya itong buksan ay nagtaka siya dahil may laman itong mga wires at mabigat.
Kaagad niya itong itinapon at tumawag ng mga pulis.
Mabilis na rumesponde ang mga bomb experts ng Philippine Army at dinefuse ang naturang bomba. Patuloy pa ang imbestigasyon ng Midsayap PNP sa pamumuno ni Supt. Franklin Anito para makilala ang suspek na nag-iwan ng bomba sa tricycle.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento