Bagong scholarship program ng North Cotabato, hindi tatanggap ng mga aplikanteng kukuha ng mga kursong Nursing at Education
Ipinahayag kamakalawa ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa isang press conference sa kapitolyo na hindi kasali sa bagong scholarship program ng lalawigan, ang mga aplikanteng gustong kumuha ng mga kursong Nursing at Education.
Ayon sa kanya, ang kautusang ito ay nakabatay sa kanyang obserbasyon na marami umanong Nursing at Education graduates na hanggang sa ngayon ay nananatiling volunteer sa kani-kanilang ispeyalisasyon.
Dagdag pa ng gobernadora, wala umanong proper matching ang mga kursong ito kung kaya marami pa rin sa mga graduate na ito ang walang regula na trabaho sapagkat wala silang mapuntahan para pagtrabahuhan.
Samantala, sa bagong pulisiya na inilabas ng lalawigan, kung may pangangailangan umano sa regular items para sa mga guro, kukuha umano sila sa mga naging volunteer teachers. Ganito rin umano ang hakbang na gagawin kung mangangailangan ng mga registered nurses ang lalawigan.
Aniya sa pamamagitan nito ay mabibigyan umano ng pagkakataon ang mga matagal nang nagvovolunteer na mga guro at nars na tinitiis ang kakarampot na suweldo.
Ipinagpasalamat ni Mendoza ang pagsasahimpapawid ng programa ng Administrasyong Aquino na 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa pamamagitan ng programang ito, aniya ay nakapag-hire ang lalawigan ng isandaan at tatlumpo’t apat (134) na nars na naka-deploy na sa mga Rural Health Units (RHUs) at sa walong ospital sa probinsya.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento