Kilos protesta, ikinasa ng ilang mga mag-aaral ng USM para kalampagin ang pamahalaan sa budget sa USM; pamunuan ng USM kinatigan ang nasabing hakbang
Kakulangan sa budget sa edukasyon at pagtaas sa matrikula ng ilang mga state Universities and colleges ang pangunahing dahilan ng kilos protesta na isinagawa ng mga mag-aaral ng USM kaninang umaga.
Iginiit ni College Editors Guild of the Philippines Secretariat Jay Apiag na ang pagpapabaya diumano ng kasalukuyang administrasyon sa sektor ng edukasyon ang dahilan kung bakit abot sa 83 porsiento ng mga freshmen sa kolehiyo ang hindi makapagtapos ng kanilang pag-aaral.
Anya, nangako umano ang Pangulo ng pagbabago sa sistema ng edukasyon bago ito manungkulan, subalit sa kabila nito nahaharap pa rin sa nakakaalarmang drop-outs, pagsirit sa bayarin sa matrikula, kakulangan sa pasilidad sa paaralan, mga aklat, guro at mga classrooms ang sektor ng edukasyon.
Kaya naman kinatigan rin ni USM Pres Jesus Antonio Derije ang nasabing hakbang ng mga mag-aaral ng USM para kalampagin ang pamahalaang national sa patuloy na pagbawas ng subsidiya sa mga State Universities and Colleges.
Kung maalala, din a rin pinonduhan ngayon ang capital outlay ng pamantasan para sana sa mga pagpapatayo ng dagdag na gusali at iba pa.
Ang nasabing kilos protesta ay pambansang ikinakasa ng mga nasa kabataang sektor, dito naman sa bayan ng Kabacan nagsimula dakong alas 7 ng umaga at nagtapos bago mag-alas nuebe nanguna ang Liga ng Kabataang Moro (LKM-Kabacan), League of Filipino Students (LFS-Kabacan), ANAKBAYAN (AB-Kabacan), Student Christian Movement of the Philippines (SCMP-Kabacan), College Editors Guild of the Philippines (CEGP-North Cotabato), National Union of Students of the Philippines (NUSP-North Cotabato) and Kabataan Partylist (KP-North Cotabato).(Rhoderick Beñez)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento