DXVL (The Morning News)
November 11, 2011
MILF: hinamon ang mga otoridad na alamin ang marka ng pambobomba na naganap sa Kabacan, Cotabato
Kasabay ng pagkumpirma sa DXVL – Radyo ng Bayan ni Moro Islamic Liberation Front o MILF spokesperson Von Alhaq na walang kinalaman ang MILF sa nangyaring pagsabog ng IED sa bayan ng Kabacan, North Cotabato, hinamon din nito ang mga otoridad na alamin ang marka ng paggawa ng Improvised Explosives Device kungsaang military arsenal ito galing.
Sa magkahiwalay na impormasyong nakalap ng DXVL mula sa report ni PIA 12 Information Officer Danilo Doguiles sinabi ni Director Felicisimo Khu ng Directorate for Integrated Police Operations – Western Mindanao, maaring gawa umano ang mga naturang EID ng grupo ni Abdul Basit Usman. Subalit nilinaw ni Khu na kanila pang kinukumpirma ang naturang intelligence report.
Kaugnay nito, bagama’t dati nang nakaalerto ang kapulisan sa Rehiyon Dose, mas pina-igting pa ngayon ang pagiging alerto ng mga otoridad bunsod ng pagsabog ng isang bomba at pagkarekober ng anim pa nitong nakaraang dalawang araw.
Giit ni Khu na mas hinihigpitan nila ngayon ang seguridad lalung lalo na sa mga lugar na una nang tinukoy na target ng pambobomba.
Kabilang sa mga ito ang mga bayan ng Midsayap, Carmen, at Kabacan at lungsod ng Kidapawan sa North Cotabato; Cotabato City, Isulan at Tacurong City sa Sultan Kudarat; Koronadal City sa South Cotabato, at General Santos City.
Nagpasalamat naman si Khu sa mga residente ng Kabacan at Isulan na agad nakipag-ugnayan sa mga otoridad sa pagkakadiskubre ng mga IED dahilan para mapigilan ang maaring pinsalang maidudulot ng mga bomba sakaling sumabog ang mga ito. (Rhoderick Benez\RB ng Bayan)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento