Planning officer ng Kidapawan LGU no-show sa ipinatawag na legislative inquiry ng Sangguniang Panglungsod patungkol sa umano ‘missing funds’
HINDI dumalo sa ipinatawag na legislative inquiry ng Sangguniang Panglungsod ng Kidapawan noong Huwebes si Ben Catolico, ang head ng City Planning and Development Office ng Kidapawan LGU.
Katwiran ni Catolico, wala siya’ng alam sa mahigit P77.3 million na pondo na umano ay pumasok sa kabang-bayan ng lungsod.
Bilang pinuno ng CPDC, naniniwala ang Sanggunian na may alam si Catolico sa mga pondong pumapasok sa city treasury.
Isasalang sana sa question hour si Catolico pero dahil ‘di ito sumipot, hindi naganap ang inaasahang ‘inquiry’.
Batay sa mga dokumentong hawak ni city councilor Lauro Taynan, pumasok sa kabang-bayan ng Kidapawan City LGU ang mga sumusunod na pondo – UNA, P30 million na financial assistance mula sa Department of Agriculture para sa mga itatayong farm-to-market roads na pumasok umano sa pondo ng city government noon pang 2008; PANGALAWA, P1.187 million na financial assistance mula sa Protected Areas and Wildlife Bureau ng Department of Environment and Natural Resources para sa Mount Apo reforestation project mula taong 2009 hanggang 2010; PANGATLO, P14.151 million na pondo o royalty share mula sa Department of Energy para sa electrification projects noong 2008; PANG-APAT, P4.464 million mula pa rin sa DoE para sa O’ Ilaw Projects noong 2008; P2.5 million mula kay Senator Edgardo Angara; P20 million mula kay dating House Speaker Prospero Nograles; at P5 million mula kay Congressman Daryl Grace Abayon ng Aangat Tayo Party-list.
Pero ang ‘di pagsipot ni Catolico ‘di raw hadlang sa imbestigasyon na gagawin ng Sanggunian, ayon kay Taynan. Ipatatawag rin nila ang iba pang mga department heads mula sa City Treasury, City Accounting, at iba pang opisina.
NAIS ng Sanggunian na malaman kung nasaan na ang pondo at kung ito ba ay nagamit nang maayos.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento