(Kabacan, North Cotabato/March 1, 2012) ---Ikakasa ng mga progresibo at militanteng grupo ng mga kabataan ang isang kilos-protesta ngayong araw kaugnay sa tumitinding pagtaas ng matrikula sa ibat-ibang unibersidad at mga pamantasan sa buong bansa.
Mahigpit na ipinahayag ng grupo ang kanilang pagkadismaya sa Commission on Higher Education o CHED sa inilabas nitong panuntunan sa pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin.
Ayon kay Darwin Rey Morante ng Student Alliance for genuine National Democracy-University of Southern Mindanao o STAND-USM wala diumanong silbi ang inilabas na panuntunan ng CHED, nagpapakita lamang umano ito ng pagiging inutil sa pagsagot sa mga kariingan ng mga magaaral sa ibat-ibang mga paaralan sa bansa.
Aniya, ang nasabing panuntunan ay walang magagawa upang pigilan ang pagtaas ng matrikula at iba pang mga di-maipaliwanag na bayarin
Tinatayang aabot sa 300 na mga unibersidad at pamantasan ang magtataas ng kani-kanilang mga matrikula sa susunod na pang-akademikong taon.
Wala diumanong babaguhin sa nakagawiang mga bayarin, ang bagong inilabas na panuntunan bagkus ay ipagpapatuloy nito ang mga pekeng programa at huwad na proseso ng mga konsultasyon.
Ayon sa report, ang 5 sa mga pinakamalaking paaralan sa bansa ay nakapagkuha ng rebenyu sa halagang P15B sa nakalipas na 6 na taon at umabot sa P3B sa kanilang ganansya; ang ibang mga paaralan naman ay tumaas din ang ganansya sa nakalipas na buwan samantalang dumoble naman ang pagtaas ng matrikula simula ng 2001.
“Hindi maikakanlong ng kasalukuyang rehimen na pumapabor pa rin sa mga edukador-kapitalista ang mga programang isinusulong nito at hindi kelanman sa mga maralitang mamamayan” pagtatapos ni Morante.
Panawagan din ng grupo ang tuition moratorium at agarang irebyu ang mga di-makatarungang pagtaas ng mga bayarin at matrikula, kasabay ng mga progresibo at militanteng grupo ng mga kabataan ngayong araw sa ibat-ibang panig ng bansa.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento