Welcome Class 2015

Welcome Class 2015

Sa lahat ng mga sumuporta sa ating programa at aktibidad sa ika-siyam na taong anibersaryo ng DXVL FM! Maraming Maraming salamat po sainyu! Sa aming mga sponsors at mga mga naging katuwang sa Tree growing Activity, Bloodletting Activity at sa Hatawan Para sa Batang Nangangailangan, taos puso po kaming nagpapasalamat… hanggang sa susunod na taon Kakoolitan…

DXVL Staff

...

Mga daan-daang pamilya mula sa binahang mga barangay sa Kabacan inilikas sa highway

KABACAN, North Cotabato (December 29, 2011) – DELIKADO ang sitwasyon ng mahigit 100 pamilya mula sa mga binahang barangay sa bayan ng Kabacan, North Cotabato matapos na magtayo sila ng tent sa may Kabacan-Carmen highway, kahapon.
      
Ang makipot na highway kasi ang ginawang pansamantalang evacuation site ng mga lumikas na pamilya mula sa mga barangay ng Kayaga at Lumayong sa bayan ng Kabacan.
      
Kahit peligroso, nagtitiis ang mga bakwit, ‘wag lang nila’ng sapitin ang dinanas ng mga taga-Iligan at Cagayan de Oro.
   
SIMULA kahapon, lubog sa tubig-baha ang mga pananim na mais at palay sa mga barangay ng Kayaga, Lumayong, at Pedtad sa bayan ng Kabacan at Barangay Bulit sa Pagagawan, Maguindanao makaraang rumagasa ang tubig-baha mula sa umapaw na dam ng National Irrigation Administration o NIA sa Valencia, Bukidnon.

Ayon sa report, tumaas ang tubig sa Pulangi River nang halos dalawang metro.

Umangat din ang Kabacan River na konektado sa Rio Grande de Mindanao.

Ayon pa sa report, patuloy sa pagtaas ang tubig sa Pulangi River at sa mga barangay sa Kabacan na apektado ng pagbaha.

Apektado rin ng pag-apaw ng tubig ang ilang mga barangay sa bayan ng Carmen sa North Cotabato at Pagalungan at Datu Montawal sa lalawigan ng Maguindanao – mga lugar na sakop ng Rio Grande de Mindanao.


Mga stalls ng fireworks sa highway sa Kidapawan City ni-raid ng mga pulis

(Kidapawan city/December 29, 2011) --- DALAWANG drum ng mga paputok ang nakumpiska ng mga operatiba ng Kidapawan City PNP sa ginawa nila’ng saturation drive sa nakumpiskang paputok mula sa mga fireworks vendor na nagtitinda sa may sidewalk ng lungsod, alas-1030 ng umaga, kahapon.
       Karamihan sa mga kinumpiska mga pla-pla, triangle, kuwitis, pop-pop, Judas belt, piccolo, at iba pang mga malalakas na paputok.
       Nagulantang ang mga vendors sa pagdating ng abot sa 20 mga pulis ng Kidapawan City PNP kaya’t wala sila’ng pagkakataon na itago ang mga ibinibentang paputok.
       Batid kasi nila na ang pinapayagan lang ng city government na ibenta nila sa sidewalk ay mga fireworks tulad ng Roman candles, sparklers, fountains, rockets, at smoke bombs.
      
NAKARATING sa kaalaman ng Kidapawan City LGU na marami sa mga pinayagan nilang fireworks vendors ang nagtitinda ng ilegal na mga paputok kaya’t inatasan ng executive department ang lokal na PNP na gawin ang raid.
       Nanguna sa raid si Inspector Rolando Dillera, ang hepe ng anti-vice and intelligence division ng Kidapawan City PNP.
       Ang mga nakumpiskang paputok ay agad na inilublob ng mga pulis sa drum na puno ng tubig para ‘di na ito makapakinabangan pa ng kahit na sino.

Ginang na taga Sitio Lumayong, Kabacan; nananawagan ng tulong para sa kanyang nanay na may sakit

Written by: Rhoderick Beñez

(Kabacan, North Cotabato) December 30, 2011 --- Hindi na makatayo at nakahandusay lamang sa kanilang simpleng bahay na malapit pa mismo sa tabing ilog ng Pulangi river ang 62 taong gulang na matanda na taga Sitio Lumayong, Brgy. Kayaga, Kabacan, Cotabato.

Kahit bigas na makain ay walang makain ang matanda dahil sa sobrang kahirapan sa lugar kung kaya’t panawagan ni aling Kusain Malidas, 40 taong gulang, separated sa asawa sa mga taong may magandang puso na tulungan ang nanay nitong maipagamot.

Namamaga pa umano ang kamay ng matanda, nanghihina at hindi makasalita.

Si aling Kusain ay may apat pa na mga maliliit na anak, namumulot lamang ng Palay, naglalaba para may pambili ng pagkain pero hindi sapat ang kinikita nito sa isang araw dahil minsan ay wala itong makain.


Ang bahay ni Aling Kusain ay malapit pa mismo sa rumaragasang tubig baha sa Sitio Lumayong, isa pa ito sa kanilang pinangangambahan.

Kaya naman ngayong panahon ng kapaskuhan, mas mabibigyan ng kahulugan ang diwa ng pasko kung may nagtutulungan, kaya naman sa pamamagitan ng panawagang ito, umaapela ng tulong ang ginang sa mga mas nakakaginhawa sa buhay na mabigyan sila ng tulong sa lugar lalo na dapat ay maipagamot ang nanay nito sa lalong medaling panahon.

50th Foundation Anniversary ng Bayan ng Matalam, gugunitain ngayong araw

Written by: Rhoderick Beñez
(Matalam, North Cotabato) December 30, 2011 --- Kasado na ang security measure ng pamunuan ng Matalam PNP para sa pagdiriwang ng 50th Founding anniversary ng bayan ng Matalam, ngayong araw.

Ito ang pagtitiyak ni P/Insp. Elias Diosma Colonia, ang hepe ng Matalam PNP sa panayam ng Radyo ng Bayan.

Giit pa nito na ngayong umaga pa lamang ay nagdeploy na ito ng kanyang mga tauhan sa mga pangunahing lansangan sa Matalam na dadaanan ng mga kalahok sa gagawing Street Dancing competition ngayong araw.

Naging matagumpay din ang isinagawang Mutya ng Matalam 2011.

Kahapon ilan sa mga celebrities ang bumisita sa bayan kungsaan nagbigay ang mga ito ng aliw kagabi sa mga Matalameños.

Magiging panauhing pandangal naman sa foundation Anniversary Program si Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza.

Ang bayan ng Matalam ay binubuo ng 34 na mga barangay kungsaan  naging munisipyo ito sa bisa ng Executive Order No. 461 noong Disyembre a-29, 1961.

Ngayong araw din sabay na ginugunita ang taunang Festival na tinatawag na Sahl-amat, napag-alaman din ang bayan ng Matalam at may kabuuang 47, 600 heactares na lawak.

Ilang mga Brgy sa bayan ng Kabacan, apektado na ng flashflood makaraang bumigay ang NIA Dam kahapon; Mosque sa Lumayong, wasak matapos ragasain ng baha

Written by: Rhoderick Beñez

(Kabacan, North Cotabato/ December 28, 2011) ---Winasak ng malakas na pagragasa ng tubig baha kaninang alas 8:00 ng umaga ang isang Mosque at ilang mga kabahayan na nasa Sitio Lumayong, brgy. Kayaga, Kabacan, Cotabato.

Ilang oras pa lamang ang pangyayari ng datnan ng DXVL Radyo ng Bayan Newsteam ang lugar kungsaan mapanganib na sa mga residente doon na nakatira sa tabing ilog ang patuloy na pagragasa ng tubig baha na pinaniniwalaang galling sa nawasak na NIA Dam buhat sa Valencia City, Bukidnon.

Ayon kay Eddie Buat, residente sa lugar ang pinagtatakhan nila na bigla umanong tumaas ang lebel ng tubig ng Pulangi river ng di nila namalayan kanina at hanggang sa mga oras na ito ay patuloy pa rin ang pagtaas at paglaki ng tubig doon.

Kanina ay pumunta na ang mga taga-MSWDO Kabacan sa lugar upang alamin kung ilang mga pamilya ang apektado.

Marami rin sa mga troso ang inanud ng malakas na pagbaha.

Ayon pa sa mga residente sa lugar na nagsimula umanong tumaas ang lebel ng tubig alas 5 ng hapon kahapon kung kaya’t inabisuhan na silang linasanin ang tabing ilog.

Pero ang hinaing naman nila, wala umano silang paglilipatan dahil malapit sila sa Highway at ang kinatatakutan nila na masagasaan ng mga sasakyan ang kanilang mga maliliit na anak.

Sa ibang dako naman, sa pag-iikot ng News team tumambad sa amin ang mga pananim na mais na lubog din sa tubig baha.

Ayon naman kay Pedtad Kapitan Romeo Mantawil hanggang tuhod na rin ang tubig baha sa Sitio Manuang ng brgy Pedtad.

Sa Sitio Malabuaya naman, alas 6:00 ng umaga kanina ng simulang bahain ang kanilang lugar, halos tuhod na baha kungsaan apektado ang may halos isang daang mga pamilya sa lugar na patuloy naman ang pagtaas ng lebel ng tubig.

Kaugnay nito, nananawagan naman ng tulong ang mga kababayan natin doon na apektado ng baha.

Ayon kay Ginang Samra Gampung na residente naman ng Bulit, Pagalungan, Maguindanao na malaking problema sa kanila ang mapagkukuhanan ng tubig dahil wala silang puso sa lugar, wala din silang maayos na C.R. sa kanilang pagdumi.

Ang Brgy. Bulit at Sitio Malabuaya ay magkalapit na lugar na apektado ngayon ng tubig baha, dahil malapit lamang kasi ang kanilang erya sa dinadaanan ng ilog Pulangi.

Samantala, habang sinusulat ang balitang ito, napag-aman mula kay Scooper 001 Aylmer Bornea na pumapasok na daw ngayon ang tubig baha sa Poblacion ng Pikit, North cotabato.


Ceasefire na idineklara ng Pangulong Aquino binatikos ng NPA sa Central Mindanao

SA KABILA umano ng ceasefire na ipinatutupad ng gubyerno sa rebeldeng New Peoples Army, nagpapatuloy ang Oplan Bayanihan ng Armed Forces of the Philippines, lalo na sa mining sites sa Mindanao.

Ito ay ayon sa spokesman ng NDF-Mindanao na si Ka Efren.

Ang OPLAN Bayanihan, ayon kay Ka Efren, ay nagpapatuloy sa bayan ng Tampakan, South Cotabato; Columbio, Sultan Kudarat; at Kiblawan, Davao del Sur – mga lugar kung saan nagmimina ang Xtrata-SMI. 

Nagsisilbi umano na security ng mining company ang mga sundalo na miyembro ng 27th IB, mga CAFGU, at ang Task Force Kitaco.

Ang operasyon ng AFP, ayon pa kay Ka Efren, ay sa paraan ng ipinangangalandakan umano nila’ng, “peace and development efforts” sa mga lugar na itinuturing na impluwensiyado ng NPA.

NILINAW ni Lt. Col. Leopoldo Galon, spokesman ng Eastern Mindanao Command, na ang sakop lamang ng ceasefire o tigil-putukan ay ang opensiba ng military kontra sa NPA.

Hindi raw sakop nito ang security operations ng AFP sa mga government installations at ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lugar.

Hindi rin, aniya, titigil ang AFP sa kanilang peace-building activities sa mga lalawigan ng Davao del Sur, South Cotabato, at Sultan Kudarat.  

Big-time financier ng Last Two sa Kidapawan City arestado sa raid

ARESTADO ng mga operatiba ng Kidapawan City PNP si Hospicio Castillano Rivas III, may-ari ng Rivas News Stand na umano may-ari ng Last Two outlet sa loob ng Mega Market sa Kidapawan City, sa isang raid, bandang alas-11 ng umaga, kahapon.

Nanguna sa saturation drive si Inspector Rolando Dillera, hepe ng investigation and intelligence division ng Kidapawan.
       
Nakumpiska mula kay Rivas ang cash na umano galing sa Last Two na nagkakahalaga ng P4,287 at mga illegal gambling paraphernalia.

Si Rivas, ayon sa report, ay sa isa sa mga itinuturing na big-time financier ng Last Two sa Kidapawan City.

Agad kinasuhan si Rivas ng paglabag sa Anti-Gambling Act at isinailalim sa inquest proceeding.

Ang inirereklamo ng mga kaibigan at kaanak ni Rivas ay kung bakit sa napakarami’ng mga Last Two outlets sa loob at labas ng palengke ay tanging siya lang ang naging subject ng saturation drive ng Kidapawan City PNP.

Duda nila, baka lang ‘di nakapagbigay ng ‘tong’ o ‘protection money’ si Rivas kaya hinuli at ikinulong.

Ayon sa report, ‘di bababa sa 15 ang Last Two outlet at mahigit 50 mga usher ang nag-o-operate sa loob ng Mega Market – ang ilan sa kanila nagbibigay umano ng protection money o ‘tong’ sa ilang mga opisyal ng PNP.  

Mindanao grid nakakaranas na naman ng ‘yellow alert’

NASA ‘YELLOW ALERT’ na naman ang Mindanao Grid, ayon sa report ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.

Ang ibig sabihin ng ‘yellow alert’ ay kinapos na naman ang suplay ng kuryente sa Mindanao.

Sa isang ALERT na ipinadala ng NGCP sa pamamagitan ng text, nabatid na naranasan ng Mindanao ang pagbaba ng suplay sa kuryente, mula alas-dos ng hapon hanggang alas-530 ng hapon, kahapon.

Kinapos din ng suplay bandang alas-531 ng hapon hanggang alas-otso, kagabi.

Ayon sa NGCP, kinailangan nilang magpatupad ng load curtailment dahil wala na’ng reserbang kuryente para sa Mindanao.

Ang load curtailment ay abot sa 100 megawatts, batay sa matrix na inilatag ng Power Sector Assets and Liabilities Management o PSALM.

Kabilang ang Cotelco sa mga apektado ng load curtailment kaya’t ang service area nito ay nakaranas ng blackout mula alas-dos ng hapon hanggang alas-otso, kagabi.



Breaking News! Mga Pananim sa Sitio Lumayong Kayaga, lubog na sa tubig baha

Lubog na ngayon sa tubig baha ang mga pananim na mais sa brgy Lumayong na nasa Brgy.Kayaga, Kabacan, Cotabato makaraang rumagasa ang tubig baha mula sa nasirang Dam ng NIA sa bahagi nga Bukidnon.

Sa report na ipinadala ng Kabacan PNP ngayong umaga lamang sa DXVL FM, ang pagtaas ng lebel ng tubig sa erya ng Pulangi at Kabacan river posibleng magresulta ngayon ng pagkalikas ng maraming residente sa erya.

Hanggang sa mga oras na ito ay patuloy na lumalaki ang tubig

Maraming troso naanud sa Pulangi River sa pagragasa ng tubig kagabi; NIA Dam naman sa Bukidnon, bumigay

Written by: Rhoderick Beñez

(Kabacan, North Cotabato/ December 28, 2011)  ---Agad na pina-aalerto ng mga otoridad ang mga residente na malapit sa Pulangi river, Malitubog river at maging yung mga nasa paligid ng Kabacan river makaraang bumigay ang NIA Dam na nasa Brgy. Kumbayao, Valencia City, Bukidnon alas 11:00 ng umaga kahapon.

Sa report ng 4th Infantry Division, Philippine Army na nakabase sa Bukidnon dahil sa pagkawasak ng NIA Dam sa lugar, pinangangambahan ngayon ang malawakang pagkabaha sa Mindanao River Basin.

Kaya naman kagabi inatasan na ang mga otoridad ang mga residente sa mga brgy na malapit sa mga ilog na pansamantalang linsanin ang lugar partikular sa mga bayan ng Kabacan, Carmen, Pikit, Pagalungan at Datu Montawal.

Sa panayam naman kay Pedtad Kapitan Romeo Mantawil, bago mag-alas 5:00 kahapon ng hapon ay tumaas na ng halos dalawang metro ang rumaragasang tubig sa Pulangi river.

Hanggang sa mga oras na ito ay patuloy naman nilang minomonitor ang pagtaas ng tubig sa lugar bagama’t ayon kay Kapitan Mantawil ay di naman umaapaw subalit marami umanong mga troso ang inanod ng malakas na lagaslas ng tubig.

Kung matatandaan, isa ang brgy. Pedtad ng Kabacan na malapit sa Pulangi river.

Inihayag naman ni Kabacan MSWD Officer Susan Macalipat na nagbabala na sila sa lahat ng mga kapitan at mga opisyal upang ipaalam sa mga residente na malapit doon na mag-ingat sa posibleng pagtaas pa ng tubig sa Pulangi river.

Madilim na kalye sa Purok Sunrise, Poblacion, Kabacan; nirereklamo

Tila isang remote na lugar ang kalsada sa bahagi ng Sunrise St., Poblacion, Kabacan tuwing gabi dahil sa napakadilim na daanan.

Ito ang hinaing at reklamo ng mga residente sa lugar partikular ng mga estudyante na ang kanilang boarding house ay nasa Sunrise St.

Madilim kasi mula sa Koko’s Boarding house na nasa bahagi ng Sinamar 2 papunta sa Mosque ng Sunrise drive kung kaya’t takot ang ilan sa mga tricycle at tricycab na maghatid ng pasahero sa lugar, kung kaya’t maging ang mga estudyante ay hirap din sa pag-uwi tuwing gabi.

Halos mag isang taon na kasing nirereklamo ang madilim na daanan sa Sunset pero tila pipi’t bingi ang pamunuan ng brgy sa nasabing problema.

Kung matatandaan, noong nakaraang taon, December 31 alas 10:30 ng gabi, dyan mismo sa madilim na bahagi ng sunrise st. sinundan si Lj Cadi ng mga carnapper at pinagbabaril matapos kunin ang motorsiklo nito.

Bagama’t na sampulan na, wala pa ring tugon dito ang kinauukulan kung kaya’t nais ng mga residente sa lugar na kalampagin ang mga opisyales ng brgy na aksyunan ang nasabing problema hindi lamang tuwing panahon ng eleksiyon.

Serye ng mga insedente sa USM Transport, palaisipan

(Kabacan, North Cotabato) December 27, 2011 --- Nagresulta sa pagkasira ng fire at fuel tank ng Pajero na pag-aari na sasakyan ng USM makaraang pasabugan ang motorpool sa USM Transport na nasa USM compound alas 10:25 noong Lunes ng gabi.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng Kabacan PNP, gamit umano ng mga salarin sa pagpapasabog ang M79 batay sa mga ebedensiya at debris na narekober sa crime scene.

Sa likod umano ng motorpool galing ang putok na tumama sa sementadong sahig ng parkingan ng mga sasakyan ng USM.

Sa report, habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad, isa ring malakas na pagsabog ang narinig kagabi na kasinlakas din ng M79 ang pinaputok sa di malamang direksiyon.

Wala namang may naitalang casualties subalit nasira naman ang isang sasakyan ng USM.

Agad namang rumisponde ang mga elemento ng 7th IB, Philippine Army para magsagawa ng clearing operation sa mga suspetsado subalit bigo po silang mahuli ang mga salarin.

Kung matatandaan noong gabi ng December 5, nabaril din ang isang security guard ng USM na si Romeo Valenton habang nasa kanyang duty sa USM Transport Service.

Kung kaya’t palaisipan pa sa mga otoridad ang nasabing insedente habang patuloy naman ang malalimang imbestigasyon sa lugar.