NEWS UPDATES

DepEd-NorthCot, nagpasalamat sa koperasyon ng iba-ibang sektor sa maayos na pagbubukas ng klase

(North Cotabato/ June 4, 2015) ---Nagpasalamat ang pamunuan ng Department of Education dito sa lalawigan sa iba-ibang mga sektor na sumuporta sa maayos na pagbubukas ng klase.

Partikular na pinasalamatan ni Cotabato Schools Division Superintendent Omar Obas ang mga lokal na pamahalaaan, mga guro, mga magulang, mga tanod at mga pulis.


Binigyang-diin ng opisyal na sa pangkalahatan naging maayos ang pagbubukas ng klase lalo na sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.

Partikular na nilibot ng opisyal ang mga eskwelahan sa bayan ng President Roxas, Antipas at Arakan.

Dagdag pa niya, bagama’t may ilang mga maliliit na problemang naitala sa ibang paaralan, agad naman itong natugunan.

Samantala, inihayag ni Obas na sa  kabila ng pagsisimula ng klase ngayong linggo, magbubukas naman ng enrollment desk ang DepEd-North Cotabato sa susunod na linggo para sa mga hindi pa naka-pag-enrol.

Ani Obas, pansamantala munang inihinto ang pagtanggap ng enrollment base na rin sa DepEd Memorandum Order 116 series of 2015  upang bigyang daan ang mga guro sa  pagpapatupad ng regular na klase.

Kaugnay nito, nanawagan ang opisyal sa mga kabataan na magpatala na at nang makapagsimula nang pumasok sa eskwela.

Sa ngayon, nakapagtala na ang DepEd-North Cotabato  ng 203,687 na mag-aaral sa elementarya at kinder habang 75, 902 naman na mga estudyante sa sekundarya. PIA 12/ DXVL News



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento