NEWS UPDATES

Malayong barangay sa North, Cotabato, nabigyan ng pailaw

(Pigcawayan, North Cotabato/ September 20, 2013) ---Hinimok ngayon ng pamunuan ng Cotabato Electric Cooperative o COTELCO-PPALMA ang mga bagong konsumante na gamitin sa tama at produktibo ang serbisyo ng kuryente.

Ginawa ni COTELCO Institutional Development and Services Division Chief Rolando Barrato ang pahayag kasabay ng isinagawang turn- on ceremony sa Sitio Mangga, Barangay Midapapan Uno, Pigcawayan, North Cotabato, kamakalawa, ito ayon sa report ni PPALMA News Correspondent Roderick Rivera Bautista.


Sinabi ng opisyal na ang pangunahing layunin ng rural electrification ay upang maisulong ang industriyalisasyon sa mga kanayunan.

Aniya, kasama din sa mithiing ito ang paghikayat sa produktibong paggamit ng kuryente kung saan maari itong gawing kaagapay sa maliliit na negosyo ng mga konsumante.

Binigyang-diin din ng opisyal na kailangang makipagtulungan ng mga konsumante sa energy conservation efforts ng kooperatiba upang maibsan ang perwisyong dulot ng kakulangan ng suplay ng kuryente sa service area ng Cotelco-PPALMA.

Samantala, nagpapasalamat naman si Barangay Chairperson Arniel Pasaquian sa tanggapan ni Rep. Jesus Sacdalan sa pagsisikap nitong matugunan ang matagal na nilang hiling na serbisyo ng kuryente sa lugar.


Umaasa ang opisyal na magkakaroon pa ng pagkakataon ang iba pang purok at sitio sa kanilang barangay na nagnanais rin makinabang sa programang elektripikasyon ng pamahalaan. (Rhoderick BeƱez)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento