NEWS UPDATES

Publiko pinag-iingat laban sa expired na pagkain

(Kidapawan City/ July 15, 2015) ---Pinag-iingat ni City Mayor Joseph Evangelista ang publiko laban sa mga expired na pagkain.

Ito ay matapos magkasakit ang may dalawampung Grade 5 pupils ng Kidapawan City Pilot Elementary School  mula sa kanilang nakain na expired durian candy na diumano ay inilako sa loob ng kanilang eskwelahan ng isang hindi nakilalang vendor noong nakalipas na Huwebes.

Magpapalabas na ng anusyo sa ilang himpilan ng radyo si Mayor Evangelista na nananawagan sa publiko ng ibayong pag-iingat.

Dapat umanong sinusuri ang pakete ng produktong pagkain at alamin kung may expiration date ito at kung kailan ma-e-expire.

Hinihikayat din ni Mayor Evangelista ang mga magulang na pagsabihan ang kanilang mga anak na huwag basta bibili ng pagkain sa mga nagtitinda na hindi accredited ng eskwelahan.

Kanya na ring ipinag utos sa Public Safety Office na makipagtulungan sa mga kaukulang ahensya ng Pamahalaan sa paggawa ng inspeksyon sa mga tindahan kung may presensya ng mga expired na food products.

Nagbabala si Mayor Evangelista na lubhang mapanganib sa kalusugan ang expired na mga produktong pagkain at mananagot sa batas ang sino mang mapapatunayang nagbebenta nito. (Kidapawan City LGU-Information Officer)


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento