NEWS UPDATES

Unang Distrito nakikipag-ugnayan na sa DSWD XII upang makapaghatid ng tulong sa mga biktima ng baha sa Midsayap, North Cotabato

By: Roderick Rivera Bautista

(Midsayap, North Cotabato/ September 11, 2014) ---Nakikipag-ugnayan na ang tanggapan ni North Cotabato First District Rep. Jesus Sacdalan sa Department of Social Welfare and Development o DSWD Regional Office XII sa Koronadal City upang makapaghatid ng tulong sa mga biktima ng pagbaha sa Midsayap sa lalawigan ng North Cotabato.

Ito ay bilang tugon sa kahilingan ng lokal na pamahalaan ng Midsayap na mabigyan ng assistance ang mga biktima ng pagbaha sanhi ng malakas na ulan sa nakalipas na mga araw.


Abot sa 5, 348 katao ang apektado ng pagbaha sa riverside area ng Midsayap batay sa report na isinumite ng Midsayap Municipal Risk Reduction and Management Council o MDRRMC.

Umaasa ang First Congressional District Office na maaaprubahan ng tanggapan ni DSWD XII Regional Director Bai Zorahayda Taha ang kahilingan sa karagdagang assistance para sa mga biktima ng pagbaha sa Midsayap.

Kaugnay nito ay inihahanda na rin ng tanggapan ni Rep. Sacdalan ang mga food packs na nauna nang inilabas ng DSWD XII.

Puspusan na rin ang ugnayan ng Midsayap MDRRMC sa tanggapan ng kongresista tungkol sa takdang araw ng pamamahagi ng assistance sa mga biktima. DXVL News








Walang komento:

Mag-post ng isang Komento