NEWS UPDATES

NIA- LibRIS magdiriwang ng ika-51 anibersaryo

(Midsayap, North Cotabato/ September 9, 2013) ---Nakatakdang ipagdiwang ng National Irrigation Administration- Libungan River Irrigation System o NIA- LibRIS ang ika-51 anibersaryo nito ngayong darating na Biyernes, a-13 ng Setyembre.

Ayon sa opisyal na programang inilabas ng ahensya, pasisinayan sa nasabing anibersaryo ang bagong opisina ng MPLK Federation of Irrigators Associations.


Pararangalan din ang mga kaagapay na lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng mga programa at proyekto ng NIA.

Gagawaran naman ang mga grupo ng magsasaka at mga kawani ng LibRIS nagpamalas ng kahusayan sa pagpapatupad ng layunin ng nasabing ahensya.

Samantala, magiging bahagi ng selebrasyon ang paglagda sa Irrigation Management Transfer o IMT Model Contract II ng mga irrigators’ associations na kinabibilangan ng LibRIS Division 4, Rangaban, GladNes, CATUBU, Gumaga at LibRIS Division 5 Main Canal.

Panauhing pandangal sa nabanggit na pagdiriwang si NIA Administrator Engr. Claro Maranan.
Pangungunahan ni Administrator Maranan ang panunumpa sa katungkulan ng mga bagong opisyal at konseho ng iba’t- ibang sektor ng LibRIS.

Nabatid na magbibigay din ng ulat si North Cotabato 1st Rep. Jesus Sacdalan kaugnay ng mga programang pang-agrikultura na patuloy nitong isinusulong sa kongreso.

Siniserbisyuhan ng LibRIS ang mga irrigator-members nito mula sa mga bayan ng Midsayap, Pigcawayan, at Libungan, sa Distrito Uno at Northern Kabuntalan sa lalawigan ng Maguindanao. (Roderick Bautista)




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento