NEWS UPDATES

Sekyu ng Metro Kidapawan Water District; dinis-armahan ng pinaniniwalaang NPA

(Kidapawan City/July 17, 2012) ---Dinis-armahan ng ‘di kilalang mga armadong lalaki ang security guard ng Metro Kidapawan Water District o MKWD na kinilalang si Jelmar Toranio.

Naganap ito, bandang alas-8:25 kamakalawa ng gabi, sa outpost ng MKWD sa Barangay Perez, Kidapawan City.

Ayon kay Supt. Renante Cabico, hepe ng Kidapawan City PNP, dalawang mga ‘di kilalang lalaki na may bitbit na Granada at de-kalibreng armas ang sumugod sa kanyang outpost at nagsabi’ng kailangan nila ang mga armas ng gwardiya.

Natangay ang Armscor shotgun at isang handheld radio ng gwardiya’ng si Toranio.

Dahil sa napaikutan siya ng mga armado, walang nagawa si Toranio kundi isuko ang mga armas.

Isa raw sa mga suspect nagpakilalang si Commander Malisod ng New Peoples’ Army.

Sinabi ni Cabico na subject na ng kanilang pursuit operations at manhunt ang naturang mga suspect.

Duda ang PNP na sa bulubunduking bahagi ng Mount Apo nagtatago ang naturang grupo. (MCM)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento