NEWS UPDATES

Ipa- insure ang mga alagang hayop- ATI 12

(Kidapawan city/May 12, 2012) ---Hinikayat ng mga kinatawan ng Agricultural Training Institute o ATI  ang bawat miyembro ng 4H Clubs sa North Cotabato na ipa- insure ang mga alagang hayop.

Sa ginanap na project assessment kahapon sa Kidapawan City, sinabi ni ATI- 12 Regional 4H Club focal person May Guiang na dapat ay napa- insure ng mga benipisyaryo ang kanilang mga alagang hayop na natanggap mula sa ATI Livelihood Assistance Program.

Ito ay upang maging handa sila kung saka- sakaling may hindi inaasahang mangyari sa kanilang mga alagang hayop sanhi ng kalamidad o pag- atake ng sakit.

Ginawang halimbawa ni Guiang ang naging karanasan ng Carabull 4H Club ng Barangay Patindeguen sa Midsayap kung saan nakapag- claim ng insurance ang isang miyembro ng natukoy na grupo matapos mamatay ang alagang kambing nito dahil sa sakit .

Dagdag ni Midsayap Municipal 4H coordinator Jocelyn Falloran, sadyang napakalapit ng tanggapan ng Phillipine Crop Insurance Corporation o PCIC upang ipa- insure ang mga natanggap na hayop sa ilalim ng programa.

Matatagpuan sa Midsayap, North Cotabato ang PCIC Regional Filed Office 12.

Kung matatandaan, sinimulan ang implementasyon ng ATI Livelihood Assisted Projects noong 2009 at sa kasalukuyan ay tuloy- tuloy ang assessment and monitoring ng ahensya sa mga benepisyaryo sa buong SOCCKSARGEN. (Roderick Bautista)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento