NEWS UPDATES

Energy saving lamps ipapamahagi sa Distrito Uno ng Cotabato


(Midsayap, North Cotabato/May 22, 2012) ---Alinsunod sa mandato ng DOE o Department of Energy, ipapamahagi sa mga qualified beneficiaries sa unang distrito ng North Cotabato ang higit sampung libong energy saving lamps na kung tawagin ay Compact Fluorescent Lamps o CFL.

Sa ilalim ng Philippine Energy Efficiency Project o PEEP, magsisikap ang national government na makatipid ng enerhiya sa pamamagitan ng distribusyon ng energy saving lamps sa mga kabahayan sa buong bansa.

Ang distribusyon ng CFLs sa North Cotabato First District ay pangungunahan ng tanggapan ni Cong. Jesus Sacdalan kasama ang mga kinatawan ng DOE.

Magiging responsibilidad din ng tanggapan ng opisyal  ang pagdidisenyo ng distribution strategy na akma sa distritong nasasakupan nito.

Magmumula naman sa Cotabato Electric Cooperative o COTELCO ang household listings na siyang gagamiting basehan sa pagpili ng mga benepisyaryo.

Sa district one ng North Cotabato, nakasaad sa kasunduang nilagdaan sa pagitan ni DOE Secretary Jose Almendras at Cong. Sacdalan na 5,000 households sa district one ang kabuuang bilang ng makikinabang sa proyektong ito.

Ibig sabihin, sa implementasyon ng proyekto ay dalawang energy saving lamps ang matatanggap ng bawat bahay na pumasa sa kwalipikasyong itinakda ng gobyerno. (Roderick Bautista)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento