NEWS UPDATES

One Network Bank o ONB, nakatakdang bibilhin ng BDO?

(Kabacan, North Cotabato/ January 8, 2015) ---Pinalawak ng BDO Unibank, Inc ang serbisyo nito sa Southern Philippines sa pamamagitan ng pagbili ng One Network Bank, Inc o ONB na may mahigit isandaang sangay sa Mindanao at sa isla ng Panay.

Sa isang kalatas na ipinarating sa DXVL News ng pamunuan ng ONB, umabot sa 28.1 bilyong piso ang total asset ng ONB, net loans na 19.7 bilyon at deposit franchise na nagkakahalaga ng 17.9 bilyong piso noong September 30 ng nakaraang taon.

Matagumpay na natatag ng ONB ang business franchise nito sa mga nakalipas na taon at nakapagbigay ng higit sa 20 percent na returns sa mga shareholders nito na naging dahilan upang isa ito sa pinaka dominanteng bangko sa mga rehiyon.

Inaasahan ding magbubukas ng bagong oportunidad ang pagsasasama ng ONB o BDO upang mapagsilbihan ang ibat ibang sektor ng ekonomiya sa bansa.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa pagsuporta sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na ma-promote ang industriya ng bangko sa mga probinsiya.

Itinuturing ang BDO na may isa sa pinaka malaking distribution network na may 875 operating branches, may mahigit dalawang libong ATM sa buong Pilipinas,  may sangay sa Hong Kong at may 29 overseas remittance offices sa Asia, Europe, North America at Middle East. Christine Limos/ DXVL News


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento