NEWS UPDATES

PDAF ginamit sa ilang flood control projects sa Unang Distrito ng North Cotabato

(Midsayap, North Cotabato/ August 26, 2013) ---Mula taong 2010 hanggang 2013 ay binigyang atensyon ng pamunuan ng Unang Distrito ng North Cotabato ang mga proyektong panangga sa baha.

Batay sa pahayag ng nasabing tanggapan, abot sa kabuuang P27.55 Milyon na mula sa Priority Development Assistance Fund o PDAF ang halaga ng pondong nagamit sa pagpapatupad ng flood control projects sa distrito uno ng lalawigan.


Sakop ng flood control projects na ginawa ang pagsasaayos ng pangunahing daluyan ng tubig sa mga bayan. Maliban dito ay bahagi din ng proyeto ang rehabilitasyon ng mga irigasyon.

Una nang inihayag ni Rep. Jesus Sacdalan na binigyang atensyon nito ang flood control projects ayon na rin sa kagustuhan ng mga mamamayan alinsunod sa gabay kung paano dapat gamitin ang PDAF.

Aniya, layunin umano ng mga proyektong ito na maprotektahan sa anumang pagkakasira ang ari-arian ng mga mamamayan lalu na ang lupang sinasaka ng mga magsasaka sa lugar.

Ipinatupad ng Department of Public of Works and Highways Cotabato Second District Engineering Office at National Irrigation Administration XII ang mga flood control projects sa distrito uno.

Ipinanukala na rin ng kongresista na ituloy ang pangalawang bahagi ng Libungan River Flood Control Project.

Matatandaang nakumpleto ang first phase ng nasabing proyekto nitong Hulyo lamang. (Roderick Bautista)


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento