NEWS UPDATES

Paglalagay ng OIC sa USM, itinuturing na tagumpay ng makasaysayang pagkilos –ayon sa Kabataan Partylist



(USM, Kabacan, North Cotabato/ February 20, 2013) ---Itinuturing umanong tagumpay ng makasaysayang pagkilos ng mga estudyante, guro, magulang at mga kawani ng pamantasan ang pagbibigay ng CHED ng “special assignment” kay USM President Dr. Jesus Antonio Derije at paglalagay ng OIC para sa University of Southern Mindanao.

Ayon kay North Cotabato Kabataan Spokesperson Darwin Rey Morante, ito ay bunga ng kanilang pagpupursige at buong loob na paglaban sa pagsasamantala at pang-aabuso ng presidente at ng sistemang kinauupuan niya.


Sinabi ni Morante na sa unang araw ng pag-upo ni OIC Dr. Teresita Cambel ay hinahamon ngayon ng progresibong kabataang estudyante si Dr. Cambel na makiisa sa kanilang lehitimong pakikibaka laban sa sistematikong pagtapyas ng pondo sa edukasyon, pagpapataas ng matrikula, nagsusulputang dagdag na bayarin at kakulangan ng klasrom at pasilidad.

Batay sa report, kahapon ng umaga dumating ang OIC sa Pamantasan at nag courtesy call sa iba’t-ibang mga tanggapan.

Kaugnay nito, tuloy ang pakikipaglaban ng progresibong kabataan at estudyante para sa karapatang maka-masa, pambansa at siyentipikong edukasyon sa pamantasan at maging sa buong sistemang panlipunan, ayon pa kay Morante. Rhoderick Beñez

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento