NEWS UPDATES

Milyong pisong halaga ng cash tinangay sa nangyaring panloloob sa isang mall sa kidapawan City; imbestigasyon ng pulisya, nagpapatuloy


(Kidapawan City/ January 15, 2013) ---Mahigit sa walong daang libong pisong cash, 2 tseke na nagkakahalaga ng P 22,447 at 4 na mga relo ang tinangay ng mga di kilalang suspect mula sa Davao Central Warehouse Club sa Quezon Boulevard, ang pinakamalaking department store sa lungsod ng Kidapawan.

Ayon kay Kidapawan City Police Director Supt. Joseph Semillano, nakapasok ang mga magnanakaw matapos butasin ang gilid na bahagi ng Central Warehouse gamit ang hydraulic jack.

Posibleng gabi pa ng Sabado hanggang madaling-araw noong Linggo sinimulang butasin ng mga suspect ang gusali.


Binuksan ng mga suspect ang pintuan ng manager’s office at agad ding sinira ang vault doon kung saan nakatago ang nabanggit na halaga.

Hindi naman isinasantabi ni Semillano ang anggulo ng inside job dahil wala raw palatandaan na may forced entry sa opisina ng manager.

Hindi rin pinalampas ng mga magnanakaw ang UCPB ATM sa ground floor ng Central Warehouse at sinira ito saka tinangkang buksan ang vault pero nabigo.

Iniwan ng mga suspect ang ginamit na hydraulic jack, drilling screw, screw drivers, steel saw, diagonal fliers at ilang pirasong kahoy.

Nasa kustodiya ito ngayon ng Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa kaukulang imbestigasyon.

Ang Central Warehouse ay ilang metro lamang ang layo mula sa Community Outpost Sector 1 sa Quezon Boulevard.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Kidapawan City PNP sa naganap na nakawan. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento