NEWS UPDATES

Bottom-up budgeting ng NAPC, ipinaliwanag sa iba’t ibang sektor sa bayan ng Kabacan


(Kabacan, North Cotabato/ January 16, 2013) ---Ipinalabas ng DBM, DILG, DSWD, at NAPC ang isang joint memorandum patungkol sa mga hakbang o guidelines sa polisiya ng implementasyon ng bottom-up budgeting para sa paghahanda ng 2014 budget.

Ang nasabing memorandum ay ipapatupad upang maisakatuparan ang MDG o Millenium Development Goals ng pamahalaan na mabawasan ang kahirapan sa bansa.

Nanguna sa nasabing workshops ang National Anti-Poverty commission kasama si Municipal Interior and Local Government Officer Jasmin Musaid.

Layunin ng programang ito na maibaaba ang porsiyento ng mga mahihirap na mamamayan mula sa 26.5% pababa sa 16.6%. Target naman itong maisakatuparan sa taong 2015.

Isinasagawa ang bottom-up budgeting upang mas maging eksakto at makatotohanan ang mga gagawing plano ng mga ahensiya sa kanilang taunang budget. Ang matitipid na gastos sa bottom-up budgeting ay siya namang gagamitin para sa katuparan ng Millenium Development Goals.

Saklaw ng memorandum na ito ang iba’t ibang ahensya gay ng DA, DAR, DEPED,DOE,  DENR, DOH, DILG, DOLE, DSWD, DOT, DTI, TESDA, at NEA. Kasama rin ang mga alkalde at mga miyembro ng sanggunian ng iba’t ibang mga siyudad at munisipalidad na pokus ng programa sa buong bansa. (John Ancheta)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento