NEWS UPDATES

ASec. Delima pinasinayaan ang P20 Milyon irrigation projects sa Alamada, North Cotabato


(Alamada, North Cotabato/September 19, 2012) ---Pinangunahan ni Department of Agriculture Assistant Secretary Dante Delima ang inagurasyon ng dalawang irrigation facilities sa bayan ng Alamada noong Biyernes, September 14 ng taong kasalukuyan.

Kabilang sa pinasinayaang Small Scale Irrigation Project o SSIP ay nakabase sa Sitio Nica-an, Barangay Barangiran na pinaglaanan ng pondong P10 Milyon.

Isa pang SSIP na nagkakahalaga rin ng P10 Milyon ay matatagpuan naman sa Sitio Lama, Barangay Rangayen sa bayan pa rin ng Alamada.

Ayon kay Assistant Secretary Delima, ang mga patubig na ito ay inimplementa upang isulong ang Irrigation and Food Self- Sufficiency Program at Irrigation Development Support Services ng gobyerno.

Sa isinagawang simpleng turn- over ceremony, sinabi ni North Cotabato 1st District Cong. Jesus Sacdalan na maliban sa mga patubig na ito ay kinakailangan din ng mga magsasaka sa lugar ang mga kaukulang pasilidad tulad ng thresher, tractor, solar drier at rice mill.

Bilang tugon ng DA, sisikapin ng ahensyang mabigyan ng aksyon ang kahilingan ng mga magsasaka sa lugar ngunit maaring sa unang bahagi na ito ng susunod na taon maipatutupad.(PPALMA News Correspondent Roderick Bautista)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento