NEWS UPDATES

Iba’t-ibang problema at hinaing ipinaabot ng mga purok opisyal sa binuong grupo ng K5 sa Kabacan


(Kabacan, North Cotabato/August 27, 2012) ---Samu’t-saring problema at hinaing ang ipinaabot ng ilang mga purok opisyal sa ipinatawag na pagpupulong ng grupo ng K5 o Kilusan tungo sa Kapayapaan, Kalinisan, at Kaunlaran ng bayan ng Kabacan kahapon ng hapon sa Notre Dame of Kabacan, Kabacan, Cotabato.

Bagama’t nilinaw ng grupo na hindi sila ang nasa otoridad para manghuli ng mga gumagawa ng krimen, iginiit ng Pangulo ng grupo na si Kgd. David Don Saure na sila ang kakalampag sa pulisya at maging sa LGU na aaksiyon sa mga nagaganap na insedente sa bayan sakaling usad pagong ang tugon nila sa nasabing pangyayari.

Kaugnay nito, pinangunahan naman ni Executive Director for Moro People’s Community Organization for Reform and Empowerment Zaynab Ampatuan ang isang forum para malaman ang kasalukuyang mga problema sa bawat purok ng Poblacion.

Natukoy dito ang Purok Bukang Liwayway kungsaan biktima ang ilang mga residente ng nakawan pero sa kabila nito sinabi ng kanilang president na si Karim nagbabayanihan naman ang mga ito, habang sa Purok Masagana naman sinabi ni Samuel Dapon na hanggang sa ngayon ay di pa rin na sosolusyunan ang baha sa kanilang lugar mula sa umaapaw na tubig kanal kahit walang ulan.

Problema naman sa basura at walang ilaw na mga street lights ang natukoy sa Purok Pagkakaisa habang sa Purok Chrislam naman sinabi ni Bobby Karim na medyo humupa na ang bentahan ng shabu sa kanilang lugar matapos na inilunasad ang task force chrislam na tumututok sa pagtutulak ng droga.

Sa Sunrise, sinabi ni John Cadi na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakakamit ang hustisya at katarungan sa mga nangyari sa kanyang mga anak, maliban pa sa problema sa ilaw sa kanilang kalye. (Rhoderick Beñez)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento