NEWS UPDATES

67-anyos na negosyante patay sa panghohold-up sa Kabacan; Prof. naman ng USM hinold-up din sa Datu Montawal, Maguindanao

(Kabacan, North Cotabato/July 16, 2012) ---Dead on Arrival sa Hospital ang isang negosyante makaraang pagbabarilin sa mismong tindahan nito ng mga di pa nakilalang mga suspek na nasa Roxas St., Poblacion, Kabacan, Cotabato alas 5:00 ng hapon nitong Sabado.

Kinilala ni Police Chief Inspector Tirso Pascual ng Kabacan PNP ang biktima na si Freddie Gambalan, 67-taong gulang, may asawa at residente ng Maria. Clara Extension, Poblacion ng bayang ito.

Ayon sa Misis ng biktima na si Ferlita, dalawang mga suspek ang nagpanggap na customer at bumili ng softdrinks habang ang isa naman ay bumunot ng baril at nagdeklara ng hold-up.

Pero dahil sa tumangging ibigay ni Gambalan ang demand ng mga suspek dahilan kung bakit ito binaril ng suspek.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa itaas na bahagi ng kanang braso nito na naging dahilan ng agara nitong kamatayan.

Maswerte namang di tinamaan ang misis ng biktima.

Kinuha pa ng suspek ang isang daang piso ng biktima bago humarurot papatakas sakay sa isang kulay pula na single motorcycle na Kawasaki HD-III na walang plate number.

Agad namang hinabol ng mga rumispondeng pulis ang mga salarin sa Sitio Nasag, Brgy. Kilagasan subalit nakatakas na ang mga ito pagdating sa lugar.

Ang Sitio Nasag ay kuta ng mga MILF na pinamumunuan ni kumander Noel Pedtamanan, ayon sa report. (Rhoderick Beñez)                                                                                                                 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento