NEWS UPDATES

(Update) MPDO ng Montawal patay, MENRO ng natura ring LGU sugatan sa pamamaril sa Kabacan

(Kabacan, Cotabato/June 14, 2012) ---Dead on Arrival sa Kabacan Medical Specialist ang municipal planning and development officer (MPDO) ng bayan ng Datu Montawal sa lalawigan ng Maguindanao nang barilin ng di kilalang mga suspect sa national highway ng Kabacan, North Cotabato, alas 4:30 ng hapon, kahapon.

Kinilala ni Supt. Raul Supiter, hepe ng Kabacan PNP, ang biktima na si Engineer Ronald Bantiding, 39, ang MPDO ng Montawal LGU at residente ng Barangay Banawag, Kabacan.

Sa may tagiliran naman ang tinamong sugat ng municipal environment officer ng Montawal LGU na kinilalang si Nestor Salama na residente ng Poblacion, Datu Montawal, nang barilin ng mga suspect habang matinding tinamaan naman sa ulo si Bantiding na naging dahilan  ng agara nitong kamatayan, ayon sa report.

Ayon kay Datu Uttoh Montawal, mayor ng Montawal, Maguindanao, pauwi na ng bayan ng Kabacan ang mga biktima, sakay ng Honda XR 200, nang tabihan ng mga suspect na umano sakay din ng motorsiklo.

Nang makarating sa may Barangay Malabuaya, di lamang kalayuan sa detachment ng 7th Infantry Battalion, ay bigla sila’ng pinagbabaril, gamit ang caliber 45 pistol.

Patay noon din si Bantiding habang isinugod sa Kidapawan Medical Specialist Center sa Kidapawan City si Salama.

Nakaganti pa raw si Salama ng putok pero di niya tiyak kung may tinamaan siya sa mga suspect.

Agad na ipinasok sa operating room ng ospital si Salama dahil sa sugat sa tagiliran.

Na-recover nina Supiter at ng mga tauhan ng 7th IB ng Army ang siyam na basyo ng bala mula sa pistola na umano ginamit ng mga suspect para patahimikin ang kanilang mga target.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Kabacan PNP sa kaso.

Isa sa mga anggulong tinitingnan nila sa nasabing pamamaril ay ang kaugnayan sa trabaho ng mga biktima. 

Ayon kay Mayor Montawal, isang malaking kawalan sa bayan ng Montawal ang kamatayan ni Engr. Bantiding. (Rhoderick Benez)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento