NEWS UPDATES

Development plan para sa Asik- asik falls, inihahanda na

(Alamada, North Cotabato/May 13, 2012) ---Matapos ang biglaang pagtaas ng bilang ng mga taong nais makita ang kagandahan ng Asik-asik spring falls sa Barangay Dado, Alamada, nagsagawa ng workshop ang itinalagang TWG o technical working group upang tukuyin ang mga problema at masolusyon kaagad sa lalong madaling panahon.

Isa sa naging sentro ng pagpupulong ay ang hindi magandang kondisyon ng daan patungo sa mismong lokasyon ng falls.

Kung kaya naman inirerekomenda ngayon ng TWG na kung maari ay mapondohan ang pagsasa-ayos ng kalsada patungo sa lugar.

Posible ring ipatigil muna o magpatupad ng preventive closure sa pagpunta sa Asik- asik upang maisagawa ang rehabilitasyon ng daan.

Pinag- usapan rin sa workshop ang pamamalakad sa Asik asik Falls tourism project.

Ayon kay TWG Focal Person and Executive Assistant to the Governor Ralph Ryan Rafael, magbibigay umano ng subsidy ang provincial government sa lokal na pamahalaan sa loob ng anim na buwan kaugnay sa operasyon ng turismo sa Asik- asik falls.

Dagdag ng opisyal, magtutulong- tulong din ang lokal na pamahalaan at ang provincial government upang maisaayos ang operational structure ng proyekto.

Ayon naman kay Alamada Vice Mayor Toto Calibara, kahit pa man hindi mapigilan ang pagnanais ng publiko na bisitahin ang Asik- asik, prayoridad pa rin umano ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan ng mga bibisita sa lugar.

Inaasahan rin sa mga susunod na linggo ay mapaplansta na ang development plan at maipapaalam sa publiko ang mga itinakdang polisiya kaugnay ng pagbisita sa Asik- asik.(Roderick Bautista)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento