NEWS UPDATES

Puganteng nagtago sa North Cotabato ng mahigit sa 5 taon; i-tuturn-over na ng CIDG sa korte anumang araw simula ngayon

(Kidapawan City/April 23, 2012) ---Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang pugante na kinilalang si Rex Ansabo na mahigit limang taon ding nagtago sa batas.
         
Sumuko siya sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Team (CIDT-North Cotabato). Ayon kay Ansabo, pagod na siya sa pagtatago sa batas.
         
Si Ansabo na may kasong murder ay kasama sa 44 na mga preso ng Amas Provincial Jail sa Amas Complex sa Kidapawan City na tumakas nang atakehin ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kanilang presuhan noong February 2007.  

Inamin ni Ansabo na una siya’ng nagtago sa loob ng tatlong taon, kasama ang ilang miyembro ng MILF, sa may Camp Rajamuda sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
      
Pero tumakas ito at nagtago sa kanyang bayan sa Arakan, North Cotabato at nagpalipat-lipat sa mga bayan ng Antipas, Magpet, at President Roxas – mga bulubunduking bahagi ng lalawigan.
      
Sinabi ni Chief Insp. Elmer Guevarra, provincial director ng CIDT-North Cotabato, matagal nang ‘subject’ ng kanilang ‘operasyon’ si Ansabo at ng malaman nila na nagtatago ito sa isang liblib na barangay sa Arakan, North Cotabato pinagplanuhan nila siyang pasukin.
      
Ginamit umano ng CIDT-North Cotabato ang isa nila’ng informant para kumbinsihin si Ansabo na sumuko. At nito nga’ng linggo’ng ito ay nagpasya na ang pugante na tumigil na sa pagtatago.
      
Kasama din na isinuko ni Ansabo ang dalawa niya’ng armas – isang carbine at isang shotgun. Ang shotgun, ayon kay Guevarra, ay armas na bigay pa ng MILF kay Ansabo. Si Ansabo ay kinuha ng CIDT  sa isang lugar sa President Roxas, North Cotabato. Nakarating sila sa headquarters nila, kasama si Ansabo, bandang alas-5 ng umaga nitong Sabado.

Sinabi ni Guevarra na sa susunod na linggo ay itu-turnover nila sa korte si Ansabo para maibalik na ito sa provincial jail.  Ayon kay Ansabo, hindi niya pinagsisisihan ang kanyang pagsuko.

Aniya, ito ang tanging paraan para malinis niya ang kanyang pangalan, alang-alang sa kanyang pamilya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento